19 Pebrero

Kalayaan nating
mag-isip ng mga bagay-bagay
patungkol sa tama,
sa mali
at sa unang titig
ng ating mga mata.

Sari-saring bagay
ang nabubuo
sa kalikutan ng isip,
lumalabas sa bibig
at di namamalayan,
may ngumingiti,
natatakot
nahihiya,
napapaitan,
lumalaban,
at nasasaktan.

Ang maging totoo,
ang may paninindigan,
ang manatiling tikom
sa paniniwala ng lipunan –
kanya-kanyang
dahilan.

——-Naririnig ka man,
nagkikibit-balikat,
nagbabakasakali
sa pagtanggap:
pakitandaan na ikaw
ay bahagi ng kalawakan,
ng mundong gumagalaw.
Ang kawalan mo’y
ikababago sa kwento
ng bawat nilikha
Niya.

Advertisements

17 Pebrero

Ayon sa aking
therapy doctor,
pag nagmatigas ako
at di nag-ingat
sa mahina kong
kamay,
tutuluyin ito
sa surgery.

Talaga nga namang
ganun,
sa mga bagay
na hindi pinagtutuunan
ng pansin;
pag gawa lang ng gawa
sa kabila ng mga
paalala,
hindi mo namamalayan,
nasa hangganan ka na.

Hihintayin pa bang
sugatan ka muna?
mawalan ng kakayahang
maging kumpleto
sa paglasap
sa mga biyaya
ng buhay
bago mo
maisipang pakinggan
ang daing
ng katawan mo?
ng puso at ng
pagkatao mo?

——-Isa lang ang buhay
na meron ka, natin.
Waldasin mo ito
sa maayos
at mabuting mga alaala.
Maging malaya,
matapang, maligaya
at hinay-hinay lang.

10 Pebrero

tulad ng araw at gabi
hinding-hindi tayo
magtatagpo..

naglalakad ako
sa tapat ng call
center
tuwing OT ako..

astig, malaya,
cool, napapahanga..

pinagmamasdan ang
bawat kilos,
pinakikinggan ang
mga salita..

ano naman kaya
ang meron sila kumpara
sa pang-araw na tulad ko?

tingin palang,
nasa akin na ang mga sagot..

———sa anumang bahagi ng
oras, dapit-hapon
at bukang-liwayway

may mga ikinababangon tayo,
sariling dahilan,
maigting na inspirasyon…

Sya sa Akin

**sana masalinan na nya ng himig ‘to..

SYA SA AKIN

I.

isang umagang nagising
yakap ang sarili
hindi lilimutin ang panaginip
ibabangon ang araw..

II.

hahakbang unti-unti
madapa man,
hindi idadaing
tatayo lang uli.

Chorus:

para sa ‘yo
buo ang loob
aking susugurin
itatakbo
sa sikat ng araw
patak ng ulan
ako’y mananatili
mabubuhay
sa alaala mo..

III.

bibigyan ng kulay
ang dinadalang lumbay
lumilipas ang oras
kailangang maglibang
ipadadama ang pagmamahal mo
iaalay ang lahat..

IV.

hindi ko hahayaan
sa puso’y mawala
nandito ka lang
tataglayin kita…

**for my Nanang (mother), 1 year after she joined our Lord

Makwento

Naghihintay.
Ng kung meron man.
Nasasanay.
Nawalan na ng pakiramdam
Magdabog ay di ko na alam…
Nililibang ang sarili sa pagmamasid
Sa pag-asam na kahit minsan
May masisilayang ngiti.
Sa gitna ng ingay na di maintindihan ay naroon ako.
Isang tila eksena sa pelikula,
Slowmo at  blak en wyt;
Totoong makaluma.
Hayaan na kung walang makabatid,
Kita ko naman ang mundo
Ang lawak at anyo nito..
Ang mga anino ng kung sinu-sino.
Maglalakad nalang ako sa gitna
Ninyo..
Isusulat, ikukwento ang lahat ng ito.