29 Pebrero

Oo, alam ko
namang hinintay
mo ito..

sa loob ng apat na taon,
minsan lang tayo magkita–
swerte nga eh,
apat lang.

kumusta na?
pitong taon
ka na rin,
tayong nagtatagpo.

ngayong araw,
nakita ko yung
konsepto mo kay google.
ang tingin nya
nakikisiksik ka lang
kay bente otso at uno.
Ok lang, tulog
na sila pareho.

Para kang yung
mga kaibigan kong
hindi pinapansin
kaya ang gawa,
pumapagitna. Kailangan
ng atensyon.
Epektib naman,
kita mo..sadya
kitang kinikita.

Isa kang okasyon
na inaalala.
Extra lang pero
espesyal.
Hindi ba nakakasaya ng
pakiramdam na makita
ang mga numerong meron ka.

Ang dami-dami kong
dinadaldal
pero nais ko lang
sabihin na

MALIGAYANG KAARAWAN!

at sa mga taong
sinasabayan ka
sa ilang tig-apat na taon.
sa nakikihati sa
araw ng may araw.
O sya, ito ay para
sa inyo.

Salamat sa Kanya
at may isang araw na
para lamang
sa mga espesyal
na gaya nyo.
Sa pagmamahal
na kahit abutin ng
apat na taon,
tinitiyagang antayin.

Siguro nga,
hindi kayo mainipin ano?

——-at eto ang
Pebrero. Tinatapos ko
na. Nawa’y araw-araw
ang ibahagi natin ay
pagmamahal, hindi galit.
Ingatan ng mabuti ang
pusong nagpapadaloy
ng buhay sa ating
isip at pagkatao.

Advertisements

28 Pebrero

May kinakausap
ka ba sa kawalan?

Ako. Meron.
Maraming-marami.
Kasing ningning
ng mga tala
na katabi ng buwan
sa gabi
ang pag-asang
naririnig nila
ang mga iniisip ko.

Idinadaan ko
sa Mapagmahal
na Lumikha
ang hiling na
sana maalagaan sila,
na sana laging
ipaalala
na mahal na mahal
na mahal
ko sila.

—–Lupa
at Langit man
ang pagitan
namin,
ang puso ko
ang tulay,
ang magpapaabot
ng lahat ng mensaheng
nais kong iparating.

Namimiss ko na kayo
subalit magkikita rin tayo
sa takdang panahon.

26 Pebrero

kung
saan nananahan
ang puso mo…

sa kalye –
sa piling ng mga
batang tinuturuan
ng kusa. mga musmos
na nagkaroon ng
ate at kuya sa inyo.

ang mga gurong sa
loob ng anim,
apat, limang taon..
mas kapiling mo
kaysa iyong nanay at tatay.
silang mga tinatawag
kayong ‘anak’
at pinagsasabihan,
igigiya kayo sa tama.

sa bawat naglalakbay,
umaakyat ng bundok na
naghahanap ng kalayaan –
doon sa tuktok,
sa gitna ng dagat,
sa lalim ng gabi,
sa piling ng mga kaibigan
at minsa’y mga estranghero
ay matatagpuan ang
iyong sariling nakauwi na.

sa laro (ng buhay mo),
naroon ang mahihigpit na
gagap ng kamay,
ng saya sa pagtatagumpay..
ng pag-ahon mula sa
pagkabuwal,
tinutulungan kang
tumayo sa bawat pagkatalo..
nagsasabing “tara na
kaya natin ‘to!”

sa kabila ng pagkawalay,
sa pagitan ng mga dagat
at magkabilang panig
ng mundo,
inaabot ang mga yakap,
pinapalipad ang mga halik
kasaba’y ng byahe
ng puso mong milya-milya
kung magmahal.

——-Saan ka masaya?
Saan ka ba kuntento?
Saan gustong tumungo
ng puso mo?

marami.
maraming sulok
kung susuriin mo –
kung saan nakakahinga
ng panatag ang loob mo.
Ang pamilyang inuuwian
mo at lisanin man
minsan,
babalikan
at babalikan mo.

25 Pebrero

sa hindi
maunawaang ikaw,
loob na punung-puno
ng emosyong
hindi maihatid
sa mundong ayaw
tumanggap,
ayaw makinig–
lumayas ka.

huwag mong
obligahin ang
sariling huminga
ng hangin sa
espasyong alam
mong unti-unti kang
pinapatay.

Isalba mo,
Iahon mo
ang sariling
naghihingalo.
Ang buhay natin
ay hindi nakasalalay
sa ibang tao.
Humanap ng
kalalagyan;
yaong magbibigay
kaganapan ng iyong
paglago.

Ang araw-araw
na ginawa ng Diyos
ay para mabuhay ka
kaibigan. Ikaw lamang
ang gagawa ng
ikabubuti mo.

—–Ikaw lang.
Hindi sila.

23 Pebrero

Hindi ako
mahilig makipagsiksikan
sa kung saan-saan
makita lang ang isang tao,
pangkat o kung ano man.

Ilagay mo ako
sa isang tabi,
bigyan mo ako
ng aklat, ng musika
ng matitingnan mag-isa.
Hindi ako mababagot.

Sa isang syudad
kung saan lahat
nagmamadali,
pakitigil ang oras.
Hindi ako makasabay.
Kailangang maglakad
ng matulin, ayaw maiwan.

Doon sa kabukiran,
ako’y uupo sa ilalim
ng punong kahoy.
Magbabasa, iidlip,
magpapatangay sa ihip ng hangin.

———Kailangan kong
makapiling ang dalawang
mundo. Kailangang
maghanap-buhay
at maghanap ng ikakasiya
ng buhay ko.