Tag-ulan

Hindi ito nagsimula sa masaya, sa makulay, sa nagniningning na liwanag ng araw.

 

Nagtagpo tayo sa ilalim ng ulan.

 

Naroon ako sa panahong ibinabangon ang sarili mula sa mga pangyayaring pinadapa ako; sa mga bagay na kusang nagpaalam kahit na pinilit kong wag bitawan; nang paglisan ng mga taong hindi mapapalitan ng kahit sino mang makikilala palang.

 

Nilapitan mo ako. Nagkwentuhan. Nalaman kong ang karamihan sa mga bagay-bagay minsan ay dumarating sa magkaibang tao, parehong pagkakataon. Parehas na sa lupa ang bagsak ng luha. Parehong dinadamdam ang pait ng buhay. At dahil sa tatag ng loob, kinaya, kinakaya ang lahat.

 

May kanya-kanya tayong laban na ipinapanalo. Nagtagumpay naman, nagtatagumpay naman tayo. Nanatili akong nakatayo sa tabi mo. Naglakad, sinusugod ang ulan at umaasang titila rin ito.

 

Nasa iisang payong tayo. Sabay ang bagsak ng paa sa daan. Ang hindi ko lang alam ay kung paanong hindi ko namalayan na may isang bagay na hindi na tayo sabay sa paglayo ng mga araw; isang bagay na mas dinig ko na kaysa sa tunog ng ulan. Mas malakas na yung tibok ng puso ko. Unti-unting nabuo yung bagyo, ang pag-ibig na nakahandang tumapos sa tiwasay ng kasalukuyan na meron tayo. Pinilit kong pigilin ang lakas nito pero bumigay ako.

 

May mga araw na gusto kong gisingin ang sarili, pahintuin ang mga paa, ‘wag nang tumuloy pero mas higit ang pagnanais kong makasama ka sa paglalakbay. At tulad sa isang totoong bagyo, nagtapos din ito. Muling lumiwanag ang kalangitan. Hinawi na ang mga ulap. Tag-init na. Doon tayo nawala sa tabi ng isa’t-isa.

 

Nagpagala-gala ako sa ilalim ng araw sa piling ng ibang kakilala, kaibigan at kapalagayang-loob. Naitawid ang bawat araw na wala ka ngunit hindi naglalaho ang pag-asam sa pagbabago ng panahon. Ng isa pang tag-ulan.

 

Dalawang buwan.

 

At heto, narito ka ulit sa tabi ko. Sa ilalim ng silong na sumasayaw sa hangin at paiba-ibang direksyon ng ulan, marinig mo na kaya ang hampas ng hangin, kulog at kidlat sa dibdib ko? Maramdaman mo na kaya? S A N A .

Advertisements

Aurora Boulevard

Naalala mo ba nung una
tayong maligaw? Alas dyes na
ng gabi. Hindi pa natin alam kung
saan ang tutunguing direksyon.
Nakarating pa tayo ng SM Cubao
kakahanap natin ng EDSA.
Ewan. Pakiramdam kasi natin noon
ligtas na tayo pag nakita si EDSA.
Ngayon, halos iniiwasan na.

Naglalakad ako kanina doon
sa tulay kung saan
“sa wakas makakauwi na!”
Alam mo ba ang naisip ko?
Limang taon na pala.
Kailan nga ba tayo huling nagkita?

 

Forever at ang Paniniwala Mo

..habambuhay, ikaw at ako ay magkasama…

Kanta ni Yeng. Habang buhay lang. Yun ang sinasabi ng marami. Hashtag WalangForever. Marahil totoo. Totoo sa mga nagtatanggi ng pagkakaroon nito. Kung ako lang ang tatanungin, may hangganan ang buhay. Ang pag-ibig, sa iba’t-iba nitong anyo, nasasaksihan ang paglalaho at pananatili. May panandalian, huwad at wagas.

Panandalian. Sa unang pagkikita nahulog na agad ang puso mo sa kanya. Lumalim sa mga sumunod na araw na pagkakakilala ang pagtingin. At di mo namalayan, nakatingin na rin sya sa ‘yo. Sa totoo lang, pinakamatamis sa bawat namumukadkad na pagsinta ang pagtungo sa aminan. May mga nagtutuloy sa altar pero ang iba parang naakit lang sa isang magandang bagay, pagkuwa’y aayawan na. Napagtantong may ibang hinahanap. Maraming dahilan, maraming katanungan; mahirap sagutin.

Huwad. In short, wala. Katulad nito’y mga palsipikadong papel na hindi mawari kong kailangan ba o ano ba o bakit ba nagkaroon. Maaaring pansalo, panakip o pangbandera lang. Kailanma’y hindi magkakaroon ng makabuluhang kahulugan. Dahil ang kasinungalingan kahit gawan ng dahilan mananatiling kasinungalingan.

WAGAS. Walang makapagsasabi kung anu-ano ang mga pag-ibig na masasabing walang bahid o yung mga hindi magmamaliw. Marahil, ang katotohanan nito ay naroon sa mga nakadadama nito. Hindi lang ng dalawang tao, kundi ng bawat pusong sakop, nakapaligid at yakap-yakap ng pag-ibig na wagas. Nabubuhay kahit daanan man ng kamatayan at daluyong ng pagsubok. Hindi sumusuko. Walang pagkatalo. Laging nagmamahal.

Oo, may Forever. Naniniwala ako. Hindi kailangan ng pares para maramdaman. Ang pag-ibig naman, hindi nasusukat sa bilang, sa lugar, sa pagkatao, sa estado o kung sino ang nagbibigay at pinagbibigyan nito. Ang mahalaga, meron. At tunay.

wpid-20150830_153114.jpg

M.U.

Mag-isang umiibig. I had a lot of this. Yung pakiramdam na lagi nalang ikaw ang nasa isang dulo. Wala namang sumasalubong sa kabila.

Napakakumplikado. Minsan nawawala. Ang hirap buuin ulit ang sarili kung may nakapaglabas na ng puso mo. Lumilipad lang sa kawalan dahil wala namang may hawak nito. Yung taong pinagbibigyan mo maaring ayaw itong hawakan o kaya nama’y hindi nya nakikita na inaabot mo na pala sa kanya. Mararamdaman mong kulang ka. Hahanapin ang sarili, ang pirasong pinakawalan mo. Gagawin ang lahat matagpuan lang ang puso mong naglalakbay.

At sakaling mahawakan mo na ulit ito, itatali mo na ng mabuti. Magmamahal ulit, pero hindi na papayag na iabot ang puso na walang tali. Para kung sakaling hindi hawakan at tanggapin, mananatiling buo ka pa rin. Ang sakit lang ng mag-isa ngunit sadya lang talagang ganun ang pag-ibig. Hindi lahat masaya. Hindi lahat akma.

Gusto, Ayaw

Paano mo pakikitunguhan ang pag-ibig?

+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+

Hindi ikaw, ako. Madalas linya sa pelikula, minsan akin.
Sa araw-araw na iginising, ang tanong ko sa sarili “makikita na ba kita?” Halos gabi-gabi kong ipinagdadasal na sana bago ako matulog kinabukasan, ayan ka na – babatiin ako ng good morning, lalambingin ng good night, tatanungin ng kumain ka na ba, atbp. Isa kang kapana-panabik na yugto ng buhay ko. Nais ko’y marating ka, makilala.

Sa hinaba-haba ng panahon ng paghihintay, matagal ka na palang dumating. Hindi lang kita napansin, o hindi lang kita pinag-ukulan ng sandali na tapikin. Paano kasi’y ang layo ng tanaw. Wala ka pala doon dahil nandito ka na, nakatunghay sa isang taong hindi malaman ang gagawin.

Inaabot mo ang iyong mga kamay para aking mahawakan at nais mo’y wag nang bumitaw. Sa tamis ng yong mga ngiti, presensya mong ramdam na ramdam, at alay na pagsinta, wala sana akong pag-aalinlangan. Gusto kong mahulog sa ‘yo, sa mga bisig mo, sa pakiramdam na tayo lang ang mundo. Gustung-gusto ko. Ikaw ang pangarap ko.

Hindi ikaw, ako. Hindi ngayon, hindi muna. Kasabay ng damdaming nais mapalapit sa ‘yo, heto ako nagdadalawang isip. Kalahating kasiyahan, kalahating takot. Hindi pa ako tama para sa ‘yo. Wala sa hulog, maling pagkakataon, kulang ako. Marami akong dahilan. At habang dumadami, unti-unting lumalabo ka. Hanggang sa magising ako, panaginip ka na naman ulit.

Ang gulo lang. Papangarapin at pagkatapos aayawan. Hindi magiging totoo hangga’t inaatrasan. Minsan, susubukan ko namang maging matapang. Babalik ako sa pagtulog at sa paggising ko, malinaw na. Hahawakan ko ng mahigpit ang mga kamay mo. Mamahalin kang mulat ang aking mga mata.

__romapi