Tag-ulan

Hindi ito nagsimula sa masaya, sa makulay, sa nagniningning na liwanag ng araw.

 

Nagtagpo tayo sa ilalim ng ulan.

 

Naroon ako sa panahong ibinabangon ang sarili mula sa mga pangyayaring pinadapa ako; sa mga bagay na kusang nagpaalam kahit na pinilit kong wag bitawan; nang paglisan ng mga taong hindi mapapalitan ng kahit sino mang makikilala palang.

 

Nilapitan mo ako. Nagkwentuhan. Nalaman kong ang karamihan sa mga bagay-bagay minsan ay dumarating sa magkaibang tao, parehong pagkakataon. Parehas na sa lupa ang bagsak ng luha. Parehong dinadamdam ang pait ng buhay. At dahil sa tatag ng loob, kinaya, kinakaya ang lahat.

 

May kanya-kanya tayong laban na ipinapanalo. Nagtagumpay naman, nagtatagumpay naman tayo. Nanatili akong nakatayo sa tabi mo. Naglakad, sinusugod ang ulan at umaasang titila rin ito.

 

Nasa iisang payong tayo. Sabay ang bagsak ng paa sa daan. Ang hindi ko lang alam ay kung paanong hindi ko namalayan na may isang bagay na hindi na tayo sabay sa paglayo ng mga araw; isang bagay na mas dinig ko na kaysa sa tunog ng ulan. Mas malakas na yung tibok ng puso ko. Unti-unting nabuo yung bagyo, ang pag-ibig na nakahandang tumapos sa tiwasay ng kasalukuyan na meron tayo. Pinilit kong pigilin ang lakas nito pero bumigay ako.

 

May mga araw na gusto kong gisingin ang sarili, pahintuin ang mga paa, ‘wag nang tumuloy pero mas higit ang pagnanais kong makasama ka sa paglalakbay. At tulad sa isang totoong bagyo, nagtapos din ito. Muling lumiwanag ang kalangitan. Hinawi na ang mga ulap. Tag-init na. Doon tayo nawala sa tabi ng isa’t-isa.

 

Nagpagala-gala ako sa ilalim ng araw sa piling ng ibang kakilala, kaibigan at kapalagayang-loob. Naitawid ang bawat araw na wala ka ngunit hindi naglalaho ang pag-asam sa pagbabago ng panahon. Ng isa pang tag-ulan.

 

Dalawang buwan.

 

At heto, narito ka ulit sa tabi ko. Sa ilalim ng silong na sumasayaw sa hangin at paiba-ibang direksyon ng ulan, marinig mo na kaya ang hampas ng hangin, kulog at kidlat sa dibdib ko? Maramdaman mo na kaya? S A N A .

Advertisements

Oo Nga Naman

Some wine tasting..

>>>

Oo nga naman, hindi nga  pala tayo..hanggang dito  lang ako..

Masakit ang kantang ‘to pero gustung-gusto ko. It keeps me grounded. Hindi ako tanga, lalong hindi loka-loka para maniwalang magkakaroon pa ng “tayo”.

“Hi..ako si Ferrer, Joseph Ferrer.” Nag-abot ka sa akin ng kamay mo. Inuna mo ang apilyido mo, napansin ko. Malamang dahil dun ka kilala. Number 7, Joseph Ferrer, 5’8, soccer player sa kinababaliwan kong national team.

“I know.” Ngumiti ako at inabot ang kamay mo. Pinilit kong itago ang kilig. Bakit ba bigla mo nalang ako nilapitan. Tiningnan ko ang paligid, marami ang nakatingin. Nababasa ko ang inggit sa kanilang mga mata.

“So, how long were you watching us?” Tanong mo. Umupo ka rin sa tabi ko.

“1 year, happy anniversary to me..” sabi kong nasa baba ang tingin. Ayokong makita mo ang namumula kong pisngi. Ayoko ring mapagtanto mo na ako, yung babaeng laging nasa bleachers na sinisigaw ang pangalan mo at iyong nililingon, hinahanap kung nasaan. Ang walang tahas na nagmamahal sa ‘yo mula sa malayo.

“Icelebrate natin yan.” Nagdiwang ang puso ko.

“You can bring her too?” May itinuro ka.

Her? Sinundan ko ang direksyon ng iyong kamay. Si Marge. Ang kasama kong tila modelo kung makadala. Kung sabagay, high-heeled sandals, shorts, long legs, pwede nga. Biglang nagsibalian ng pakpak ang mga paru-paro sa tiyan ko. Alam ko na kung saan ito patungo.

Nilapitan tayo ni Marge. Nakipagkilala ka. Todo-ngiti kayong dalawa. Nawala ako sa eksena. Gusto kong sumigaw, nandito pa ako. Pagkatapos ng ilang minuto, binalikan nyo rin ako sa kung saan nyo ako iniwan.

Naulit nang naulit ang ganun. Nanunood ako kasama ni Marge. Ang pinagkaiba lang, nawalan na ako ng boses. Hindi literal kundi yung boses na pangalan mo lang ang kayang pagbigyan. Naging tahimik ako at minsa’y napansin mo. Ang sabi ko napaos lang ako, tumango ka lang.

Nariyan yung mga araw na ako lang ang nanonood. Nilalapitan mo parin ako. Ang sabi mo, nag-away lang kayo. Bilang kaibigan, nakikinig ako sa mga hinaing mo. At unti-unti rin, kasabay ng pamumukadkad ng mga bulaklak sa araw, nagsiliparan na naman ang mga paru-paro. Hindi ko na naman napigil ang sarili ko.

May mga pagkakataong nahuhuli rin kitang nakatingin sa akin habang kayo’y nasa isang tabi. Tama ba ako ng nakita? O mali lang ang tiyempo. Ayokong maniwala sa isang pag-asang sa simula palang ay wala naman talaga. Hindi ko gugustuhing magpatangay sa maling akala. Ayoko.

Nagbreak kayo. Sa isip ko, hindi mo na ako lalapitan. Pero ayun, kinausap mo parin ako. Sinabihan mo ako sa mga lakad mo, isinama sa bawat laro. Ano bang meron? Moving on ba? Natuwa ako. Sumilip ang kaunting sinag ng araw. Tuluyan ko ng isinuko ang pananggang pader sa dibdib ko. Nahulog ako sa ‘yo. Ng ilang buwan. You treated me with utmost care na akala ko’y tayo nga. Yun ang alam ko. Then, once..

“Mariane, I still got you despite everything. Thank you.” Hinawakan mo ang kamay ko. I thought you’re going to kiss it. Eto na naman ang daydreamer sa akin.

“We’re friends right?..” Napamaang ako. “Si Marge kasi, siya ang may gusto nito. Napansin nya kasing hindi ka na umiimik mula nung naging kami.” Confession nga ang gagawin mo.

“Minsan, nakikita nya akong nakatingin sa ‘yo. Ang sabi nya, baka lang daw may something ako sa ‘yo at sa mga nakalipas na buwan, pinagbigyan ko sya.” Unti-unti nagkakalinaw ang lahat.

“At nalaman ko, sya parin eh.. Sana friends parin tayo.” Parang nagsabayan ang kulog at kidlat sa loob ng katawan ko. Tinamaan ang puso ko at tila wala nang tibok. Hindi ako nagsalita. Tumango lang ako tsaka halos tumakbong lumayo.

Asan ba ako sa ‘yo, Oh asan ba ako sa ‘yo..nahihilo, nalilito..

Hanggang ngayon, pumupunta parin ako sa bawat laro mo. Magkaibigan tayo di ba? Masokista kung masokista. Pinagbibigyan ko nalang ang sarili na mahalin ka sa malayo at hindi ko na iisipin ang salitang “tayo” dahil may “kayo” na. Ang saklap pero ganun talaga.

</3

—-

Nagrereview kami kagabi ng mga

pinag-aralan nung college and eto nga.

“Don’t assume unless otherwise stated” 

M.U.

Mag-isang umiibig. I had a lot of this. Yung pakiramdam na lagi nalang ikaw ang nasa isang dulo. Wala namang sumasalubong sa kabila.

Napakakumplikado. Minsan nawawala. Ang hirap buuin ulit ang sarili kung may nakapaglabas na ng puso mo. Lumilipad lang sa kawalan dahil wala namang may hawak nito. Yung taong pinagbibigyan mo maaring ayaw itong hawakan o kaya nama’y hindi nya nakikita na inaabot mo na pala sa kanya. Mararamdaman mong kulang ka. Hahanapin ang sarili, ang pirasong pinakawalan mo. Gagawin ang lahat matagpuan lang ang puso mong naglalakbay.

At sakaling mahawakan mo na ulit ito, itatali mo na ng mabuti. Magmamahal ulit, pero hindi na papayag na iabot ang puso na walang tali. Para kung sakaling hindi hawakan at tanggapin, mananatiling buo ka pa rin. Ang sakit lang ng mag-isa ngunit sadya lang talagang ganun ang pag-ibig. Hindi lahat masaya. Hindi lahat akma.

14th Floor

Kahit less than 2 months pa ang halloween. Para ‘to sa mga stalkers na nagtitiyaga..

be patient, makukuha nyo rin ang inaasam na HAPPY MOMENT with the STALKED one.

—–

 

Halloween, pinagcostume kami sa office. May party daw mga 7pm ng gabi sa 15th floor. Tuwang-tuwa ako. Doon kasi ang office ni crush. Dunhill Joseph Salao is the name, yung matangkad, maporma at chinito na manager ng marketing sa kumpanya.

Kilala nya ako, pero hindi niya kilala yung pagsintang dalawang taon ng buhay dito (sabay kapa sa puso). Laging umuungot yun ng libre sa SB, kahit isang patak nalang daw. Hindi ko nga pinagbibigyan. Bakit? Eh hindi na nya ako kukulitin ‘pag nakuha nya yung gusto nya. Ayoko ngang mangyari yun. Hindi rin kaya easy to get ‘to.

Para sa araw na ‘to, napili kong costume yung white lady. Iyon ang suggestion ng mga kaibigan ko. Bagay daw sa mahaba at straight kung buhok. Idagdag mo pa ang tangkad ko at kapayatan. Inukay namin yung suot kong mahabang puting gown. Perfect daw sabi nila.

5:30 pa lang, nagliligpit na ako ng mga gamit. Clean desk dapat, policy sa office. 5:43, ready to go na ako.

“Excited masyado, dadayo lang sa taas eh. Para-paraan..”tumawa si Abby, officemate kong sutil.

“Anong para-paraan? Sila ang may kagagawan. Kasalanan nila ‘to.”Kunyari galit ako pero nakangiti naman sa harap ng computer ko.

“Ayieeeeeeeee, huli kita.” Si Marky, biglang lumitaw sa harapan ng cubicle ko. Nagulat ako. Nahataw ko tuloy sya sa balikat. Hindi pa man party, nanggugulat na.

“Ano ba costume mo?”nagseryoso rin si Marky.

“Eto..mukha na ba akong nakakatakot?” tinutukoy ko ang “as it is” na itsura ko.

“Tange, seryoso nga..”

“White lady. At magtakutan tayo.” Hamon ko. Kala mo ba, ikaw lang. Pilya ako, gusto kong naglalaro. Sa katunayan, nakailang panhik na ako sa 15th floor. Ewan kung anong lebel ng guts ang meron ako, pero nagagawa kong puntahan doon si Seph (Sef). Mga 7pm kasi, nandun pa sya at ginagawa kong laro ang makipagtaguan sa bawat palabas na  empleyado. Hinihintay ko syang buuin ang araw ko. Paminsan-minsan swerte, minsan hindi ko sya nahihintay. Iniisip ko nalang na hindi sya pumasok.

6:58pm, nakabihis na kami. Hindi na ako nagmake-up, maraming face powder lang ang inilagay ko. Pati dun sa expose kong kamay. Mula 4th floor, papasok na kami sa elevator nang  biglang mag-ring ang cellphone ko. Sinenyasan ko silang mauna na.

“Hoy babaeng nakaputi, may ibibigay kami..2 minutes, baba ka dito sa lobby.” Ang kaibigan kong si Mela pala yung nasa kabilang linya. Hindi na nya hinintay ang pag-angal ko. Mamaya na ako mangangastigo pagkababa.

Pagkarating ko ng ground floor, nagulat pa ako ng konti. Paano kasi ay nasa tapat na pala ng elevator ang tatlo kong kaibigan.

“Eto, tanggapin mo, accessory.” May iniabot si Amri na isang manika. Mapusyaw na kayumanggi ang kulay nito. Ginawa pa akong batang babae ng mga ito.

“Aba, gawan  natin ng istorya..babaeng isip bata, nawala at namatay dahil nabangga..” basang-basa rin ng mga ito ang nasa utak ko. Nilapitan nila ako at inayos ang mukha ko. Kaunting eyeliner at fixing lang sa powder ang ginawa.  Nagthumbs up ako sa nakitang repleksyon sa salamin ni Ryza.

“Ok, time to go…Thanks guys. Love ko talaga kayo..sana maiuwi ko ang best costume. Konting pag-asa lang. Dadaanin ko nalang sa pananakot.” Tumawa kaming lahat. Niyakap ko sila at nagpaalam. Mag-isa akong sumakay ng elevator at bago magsara, nagpraktis ako ng pagiging white lady ko. Sumeryoso ako sabay tingin dun sa tatlo. Aliw na aliw sila. Ngingiti-ngiti akong on the way sa 15th floor.

2. 3. 4. 5. 6. 7. 8. 9. 10. 11. 12. 14. Bumukas yung pinto. Wala namang tao. Naghintay lang ako. Pero ang tagal. Sa sobrang inip, pinindot ko yung close button. Ayaw. Inulit ko. Ayaw parin. Inulit-ulit ko. Eh sa makulit ako. Wag lang sanang mareport sa technical, kasalanan ko pa kung masira ang elevator na ‘to. Kahit anong gawin kong pindot sa lahat ng button (na!), ayaw pa rin. Naisipan ko nalang lumabas.

Mga ilang dipa na ako mula sa elevator nang makita ko itong pasara na. Hinabol ko pero hindi ko na naabutan. Ano ba naman, joke ba ‘to?

Tumayo na lang ako sa harapan ng elevator para abangan ang pagbaba nito. Pinindot ko yung UP button. Napatanga ako ng makita ko yung number sign. 14. Kinilabutan ako. Napagtanto ko kasing 13th floor pala ito dapat. Hindi naman siguro totoo yung sa mga horror. Mahilig ako sa horror films at hindi naniniwala.

Naka-15 minutes na ako sa tapat ng elevator ng may marinig akong mga yabag. Hindi ako naniniwala sa horror. Pinagpilitan ko yun sa utak ko. Eh bakit nanginginig ka? Iyong isang bahagi ng utak ko, nakikialam. Sa paglapit ng mga yabag, tumaas ang mga balahibo ko, hanggang batok pa nga.

Hindi ko na hinintay na makalapit sa kinatatayuan ko yung may-ari ng mga yabag, nagtago ako sa likod ng ornamental plant na katabi ng elevator. Aba, kung multo ka, di mo ako makikita. Pampakalma ko sa sarili ko yung birong yun.

Mula sa kinakukublian ko, nakita ko kung sino yung papalapit. Lalake. Naka-white long sleeves, black pants, black cape at oo, duguan ang magkabilang dulo ng bibig. Sigurado akong may pangil sya. Si Dracula. Habang papalapit sya, nagwish ako na hindi na sana ako umalis kanina sa tapat nitong elevator. Doon sa kita nya. Yung lalakeng papalapit ay si Seph.

Si Seph. Aba’y kahit sipsipin na nya lahat ng dugo ko ngayon. Ang kulit lang? umayos ka. Pinagagalitan ako ng  utak kong matino.

Akala ko, hihinto sya sa tapat ng elevator. Lumagpas lang sya. Itsura nito ang may tila hinahanap dahil iginagala nito ang paningin nya sa dinadaanan. Nang mawala sya sa paningin ko, naisipan ko ng lumabas.

Naghintay ulit ako sa tapat ng elevator. Hindi pa man ako nakaka-limang minuto roon, may papalapit na namang yabag. Galing yun sa direksyong tinungo ni Seph. Magtatago pa ba ako? Isang kalokohan ang pumasok sa utak ko.

Tumuwid ako ng tayo, at humarap sa elevator. Kakaririn ko ‘to. Naramdaman kong bahagyang napaatras yung naglalakad. Malamang pagkakita sa akin. Tumuloy din  sya. Tumayo sya isang metro mula sa akin. Pagbukas nung elevator, dahan-dahan akong pumasok. In character parin. Nauna sya sa akin sa loob. Sya na ang pumindot sa buttons. Nagsara ang pinto.

OMG! Kinikilig ako. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Hindi ito horror. Rom-Com. Dalawa lang kami sa loob, kami lang. Walang mga singit. Solong-solo ko sya. Halleluia!

Yun nga lang, hindi ko sya madaldal ngayon. Kung di ba naman sa naisip kong panggu-good time.

Umandar ang elevator. Hindi ito pataas, pababa. Naman, late na talaga. Narinig kong napamura si Seph. Dumirediretso ang elevator. Napindot pala nito ang ground floor.

9.8.7.6.

“Maria Concepcion, tama na ‘yan. Bumenta ka naman.” Bigla syang nagsalita. Hinding-hindi ko naririnig ang pangalan kong yun dito sa office. MaCo lang. Kaya sa pagbanggit nya nun, napatingin ako sa kanya. Nakangiti sya.

Shet! Kung makangiti, parang nalagyan ng honey yung mga labi nya. Mas lumakas ang kabog ng dibdib ko. “Oh, akala mo hindi kita nakilala ha.” Tumawa sya. Yung tawa nya, musika sa pandinig.

“Wala, natakot kita eh, aminin mo..”bumawi ako sa muntikan nang pagkatulala. Never akong naumid pagdating sa kanya. Sa bawat hirit nya, may sagot akong pamatay at pambara.

 “Sabi ko nga, bumenta ka..pa-SB naman dyan, bilang nagulat mo ako..”

“Tse, ganito ang suot ko, tingin mo..pupunta akong SB ngayon? At wala silang panukat ng patak-patak lang..” Matatag ang paninindigan kong ‘wag pumayag sa  libre na ‘yan.

Ground floor.

“8:36 na pala, mga 9:30 tapos na yung program dun. ‘Wag na tayong bumalik?” Sabi nya na saglit tiningnan ang relo. “Kayang-kaya na ng team ko yun.”

Tiningnan ko sya. Nag-aalangan. Aakyat pa kaya ako? Paano kung ma-stuck ulit ako sa 14th floor? Ano na kaya ang mangyayari sa akin? Sasama ba ako dito? Hala. Can’t decide.

Bumukas ‘yung pinto.

“Sige na, treat ko..since you got me tricked.” Todo ngiti na sya nung tiningnan ko sya ulit. Bibigay na ba? Lumabas na sya ng elevator. Naiwan ako. Hinintay parin naman nya ako.

13th floor.

“Sige..” nasabi ko nalang. Ayoko ng umakyat. Sasama nalang ako sa Rom-Com. Ayoko na sa horror films. I swear. Well, si Dracula at White Lady umorder ng Mocha Frappe sa SB. There goes the night.

—————————————–

NOW YOU DON’T,

NOW YOU SEE ME

– Now You See Me (a movie)

***bakit nandun si Seph? Ano yung hinahanap nya? bakit ganun yung elevator? Tanungin nyo ako..may BEHIND THE SCENES kaya ‘yan.hehe

Kaya Lang

Cool ka. Yan ang tingin ko sa ‘yo nang una kitang makita. Yung dating na may kakaiba. Hindi ko maintindihan. Lagi mong hinihila ang aking mga mata. Kung paano ka maglakad, paano ka tumawa. Iniisip kong ikaw yung isang kilala. Yung halakhak na di nakakasawa. Isang taong makulit na akala mo’y hindi maaawat. Nasanay ako. Nasanay sa mga araw na puno ng saya dahil nasa tabi-tabi ka. Nasanay kaya minsa’y nanibago ako.

Bago ka lumabas sa isang pintuan, binayo mo ang kahoy nito. Napatingin ako sa kamao mo na tila hindi naman nasaktan, o nagpapanggap ka lang. Kita kosa iyong mga mata ang galit. Isang damdaming hindi ko inaasahang meron ka pala. Bakit? Sino ba sya na may gawa nyan? Gusto kitang tanungin pero pinigilan ko ang sarili. Saka na ‘pag malamig na ang ulo mo sabi ko.

Hanggang nakalimutan ko nang magtanong. Nalaman ko nalang na isang di natin makasundo ang dahilan. Inisip ko, hindi ka nag-iisa. Hayaan mo na, may kakampi ka naman. Pagkalipas ng ilang buwan, wala na rin yung tao. Ok ka na ulit. Nakita kitang nagniningning na naman ang mga mata. Balik-katuwaan ka na naman. At gaya na naman ako ng dati, nakatingin sa ‘yo at nakangiti. Aliw na aliw ako sa pagmumukha mo. Hindi ko maintindihan.

At dahil sa isang pangyayari, nadiskubre ko kung bakit ako ganito. Na kaya pala gustong-gusto kita. At sa bawat tanong mo, buong loob akong sumasagot. Na lagi akong nag-aabang kung pupuntahan mo ako, kakausapin o tatabihan. Nang makita rin kitang kausap nila habang hilom ng luha ang iyong mga mata, gusto kong nandun din ako sa harapan mo. Makikinig. Aaluin ka. Patatahanin ka. Natural akong ganito sa iba na nakikita kong umiyak pero yun nga, iba ka. Gusto kong maging malapit sa ‘yo. Yung nasasabihan mo sa mga bagay na gumugulo sa utak mo. Nakikisalo sa mga pasanin sa buhay. Kasama sa malulungkot at masasayang parte ng buhay mo.Maisasama sa kabaliwan at kalokohan. At higit sa lahat, hinding-hindi mang-iiwan kahit ano pa man.Gusto kita. Gustung-gusto kita. Kaya lang hinde. Hindi tayo pwede. Pareho tayo. Salamin kita. Naiintindihan ko na.

*********

  • a rebellious write – My friends challenged me to pen one like this, so there.

Crossing

Location : Crossing/Shangri-la EDSA,  EDSA cor. Shaw Blvd., Mandaluyong Philippines

**********************************************************

Ang pagtawid sa kalye ng Metro Manila ay unti-unting ikamamatay ko. Joke. Tatlong taon ko na kayang ginagawa ‘to. Araw –araw pa. Wala na sana ako kung totoo nga.

Ang kinaaayawan ko lang ay yung bilis ng mga sasakyan. Kaya natuto akong tumawid ng tama. Tumawid pag green light na. Mabangga man, hindi ako ang may kasalanan. Wag naman sana.

8:45AM Naglalakad na ako sa Greenfield district. Tatawid ako sa may shaw boulevard, sa may tapat ng EDSA Shangri-la tapos sa may crossing na. Aabot naman siguro ako sa  office nito by 9AM.

Yung office ko? Dyan lang kasi sa kabilang bahagi ng EDSA. Nalalakad lang talaga. Maigi na rin, exercise pa.

8:48AM Ayun, nakatayo na ako sa crossing. Naghihihintay ng green light. Nasa 131 palang yung count kaya matagal pa. Tiningnan ko yung likod ko, left, right. Kadalasan sa oras na ‘to, nandito na sya. Sya lang naman yung napansin ko sa mga tumatawid nung July 17, 2014 at 9:05am. Kabisado ko talaga. Bakit kamo? Nung araw na ‘yun, sya yung katabi ko.

Yung katabi ko na imbes na ‘wag malate, eh nalate. Kaming dalawa. Ewan ba, nagmamadali kasi sya, sobra! Ako naman itong si tatanga-tanga, sumabay sa kanya. Ayun, katabi ko na rin sya hanggang dun sa post ng traffic enforcers. Naseminar kami ng 30 minutes for jaywalking. Eh sa wala rin akong pambayad ng 200 pesos nun, ipangkakain ko nalang. Sya, ayaw din nya sa parehong dahilan.

Red light 103. May nag-excuse mula sa likod. Napalingon ako. Ginawa nyang maze ang pagtuloy-tuloy sa harapan . Dalawang lalake ang nasa pagitan namin. Mula sa kinalalagyan ko, kitang-kita ko ang bihis nya. Blue polo shirt, skinny pants, brown backpack. Sya yung kanina pa’y hinahanap ng mga mata ko. Nakalugay ang paalon-alon at mahaba nyang buhok. Sayang lang at iniayos nya ito sa harapan ng kanyang balikat. Gustong-gusto ko pa naman itong tinitingnan, lalo na pag tinatamaan ng araw at nagmumukhang brown. Sa katunayan, kapag katabi ko sya o kaya ay nasa mismong harapan, ngali-ngaling haplusin ko ang buhok nya. Hindi lang ako nangangahas. Hanggang pangangarap lang.

Count 64. Malapit ng maglikuan yung mga galing sa shaw pa – EDSA. Habang iyong iba ay parang mahihilo kakasunod sa mga sasakyan mula kaliwa pakanan, ako tanging sya lang ang tinitingnan. Iniisip ko pa nga, ‘pag lumingon ka, akin ka, tulad sa isang pelikula. Pero hanggang ngayon, di pa sya lumilingon.

Pagdating ng mga 50, nainis ako. Paano ba naman kasi, inunahan na naman ng ibang tumatawid yung mga palikong sasakyan. Pula pa nga at ang resulta malamang mamayang green light na, kami namang mga tagasunod ang maaabutan ng red light. Swerte lang at konting inis lang ako ngayon, nandyan kasi sya. Hindi sya sumabay sa iba. Halos lilima nalang kaming naiwan.

Pansin ko lang, yung dalawang lalake sa likod nya, hindi rin umalis. May suspetsa ako. Ganitong-ganito yung kwento ng isang officemate ko. Magmamasid nalang muna ako. Sa count 12, marami na naman kaming katabi.

Pagsindi sa green light, lumakad na ang lahat. Sinusundan ko sya at yung dalawang lalake. Hindi ko inihiwalay ang mata ko sa kanila. Halos sabayan sya nung isa na nasa kanan nya at yung isa, tama ako. Unti-unting dumikit sa likuran nya na parang siksikan na kahit hindi naman talaga. Binubuksan na nito ang bag nya. Pinagana ko yung utak ko. Binilisan ko ang lakad at mula sa kaliwa ay kinabig ko sya.

“Babe, kanina pa kita hinahabol. Naabutan din kita.” Nilingon nya ako na biglang-bigla. “Sakyan mo na muna.” Kinindatan ko sya. Ngumiti sya. Mabuti naman at nakuha nya ang ibig kong sabihin.

“Nagbreakfast ka na?” Kunyari ay tanong ko sabay lingon sa dalawang lalake na sana ay bibiktima sa kanya. Nasa kanang gilid na sila.

“Hindi pa. Sabay tayo..” Magaling din pala syang umarte. Ang masaya nito, haplos-haplos ko na ang buhok nya. ‘Yung puso ko, ang taas-taas na ng talon. Tapos ngingiti pa sya. Nakahigh na ako.

—-

“Hoy pare, bilisan mong maglakad. Haharang-harang eh.” Isang matabang lalake ang nakatabig sa akin. “Ku, eh iho, mababangga ka nyan..” may nagkomento pang matanda. Nagising ako sa katotohanan.Tumatawid pala ako nang wala sa sarili.

Natanawan ko nalang na nasa malapit na pala sa huling tawiran sa kabila yung babaeng kanina’y kasama sa panaginip kong gising. Syempre, gusto ko pa rin syang maabutan. Takbo ako. Pagkarating ko sa may huling tawiran, nasa kabila na sya. Diretso ako. Di pa naman umaandar yung mga sasakyan.

Isang busina ng bus ang narinig ko bago umabot sa kabila. Muntik na ako. Nakayuko akong dumating sa kabila ng kalye. Maraming napalingon. Oo, napalingon ko sya. Pero kahihiyan. Namula ang mukha ko pagkakita sa mga mata nyang nakatingin sa akin ng diretso. Sinasabihan yata nya ako na hindi na natuto. Kung pwede lang maglaho.

Nawala ang atensyon ko sa pagkapahiya nang makita kong may naghihintay din pala. Huli na naman. 200 pesos o seminar? JAYWALKER certified. Itatak sa noo.

Totoo nga yung Bawal tumawid, nakamamatay o mas bagay yung Bawal tumawid na inlab, nakamamatay. Ako nga, muntikan na!

—————————————————————-

Gawain ko ang tumawid araw-araw pero I’m constantly reminding

myself na WAG TUMAWID NANG TULALA. Iwas aksidente, iwas

gastos pa (sa oras o pera).  DON’T BEAT the RED LIGHT (parang

sasakyan lang, applicable naman sa pedestrian, di ba?), GO GREEN!

Gusto, Ayaw

Paano mo pakikitunguhan ang pag-ibig?

+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+o+

Hindi ikaw, ako. Madalas linya sa pelikula, minsan akin.
Sa araw-araw na iginising, ang tanong ko sa sarili “makikita na ba kita?” Halos gabi-gabi kong ipinagdadasal na sana bago ako matulog kinabukasan, ayan ka na – babatiin ako ng good morning, lalambingin ng good night, tatanungin ng kumain ka na ba, atbp. Isa kang kapana-panabik na yugto ng buhay ko. Nais ko’y marating ka, makilala.

Sa hinaba-haba ng panahon ng paghihintay, matagal ka na palang dumating. Hindi lang kita napansin, o hindi lang kita pinag-ukulan ng sandali na tapikin. Paano kasi’y ang layo ng tanaw. Wala ka pala doon dahil nandito ka na, nakatunghay sa isang taong hindi malaman ang gagawin.

Inaabot mo ang iyong mga kamay para aking mahawakan at nais mo’y wag nang bumitaw. Sa tamis ng yong mga ngiti, presensya mong ramdam na ramdam, at alay na pagsinta, wala sana akong pag-aalinlangan. Gusto kong mahulog sa ‘yo, sa mga bisig mo, sa pakiramdam na tayo lang ang mundo. Gustung-gusto ko. Ikaw ang pangarap ko.

Hindi ikaw, ako. Hindi ngayon, hindi muna. Kasabay ng damdaming nais mapalapit sa ‘yo, heto ako nagdadalawang isip. Kalahating kasiyahan, kalahating takot. Hindi pa ako tama para sa ‘yo. Wala sa hulog, maling pagkakataon, kulang ako. Marami akong dahilan. At habang dumadami, unti-unting lumalabo ka. Hanggang sa magising ako, panaginip ka na naman ulit.

Ang gulo lang. Papangarapin at pagkatapos aayawan. Hindi magiging totoo hangga’t inaatrasan. Minsan, susubukan ko namang maging matapang. Babalik ako sa pagtulog at sa paggising ko, malinaw na. Hahawakan ko ng mahigpit ang mga kamay mo. Mamahalin kang mulat ang aking mga mata.

__romapi

Ang Kantang Yan (That Song)

to where you are

OH ETO PARA SA MGA BITTER! Lagi kong pinapakinggan si Papa Jack habang naglalakad pauwi. Pasak ang earphones sa magkabilang tenga, ninanamnam ko ang bawat lyrics ng kanta ni Adelle. Nakatungo ako, naiiyak, nasasaktan.

 

…for me, it isn’t over.

Never mind I’ll find someone like you…

 

Hindi ko alam kung totoo yan. Para sa isang taong nagbigay ng maraming alaala sa akin sa loob ng isang dekada, malabo pa.

Oo, sampung taon..at bigla akong nawalan ng pag-asa.

His name is Red. First year highschool nung nakilala ko sya. Isang hapon habang humahangos ang lahat pauwi, napulot ko yung ID nya. Sakto namang nakangiti na sya at inaabot ito pagkaangat ko ng ulo ko. Tinandaan ko yung pangalan nya.

Mula noon, inabang-abangan ko na sya. Pag-ibig ng isang musmos ang unti-unting umusbong. The typical young love. O first love na sinasabing hindi namamatay.

Senior lang sya sa akin ng isang taon. So, I became his successor for almost everything in school including topping the class. Hindi naman sya ang dahilan ng pangunguna ko sa klase. Blessing in disguise nalang din kasi lagi ko syang nakikita sa mga student council meetings. President din kasi ako.

Ano nga bang pakiramdam ng susunduin ka o sasabihan sa harapan ng teachers at classmates mo ng isang taong gustong-gusto mong makita? At tutuksuin ka pa. Kilig overload di ba?

JS Prom. Yung ipagppray mo pa na sya ang gawing kapareha mo sa candle and flowers. And I got mine answered. Sya nga. Rehearsals palang, quota na. I always go back to this memory na he had to tell me how to hold hands. Ganito sabi nya, habang iniintertwine ang fingers namin. That was a fond memory. Isa sa mga alaalang nagbigay sa akin ng pag-asa.

Pero may girlfriend sya. And yep, just that. Hindi yun naging dahilan para kalimutan ang pagsintang unti-unting napuno sa puso ko. I played the role of his little sister while we were in highschool. Yung kuya ng kuya, tapos Red nalang pag wala na syang nakaharap.

Kaya nung grumaduate sila, nag-attend ako. Nag-stay ako sa malayo. Nakinig ng speech nya.

At lumuluha. Sobra akong affected na tila ba hindi na kami magkikita.

Nag-senior year ako. Akala ng mga teachers ko, hindi na ako ang Valed kasi raw nawalan ng ningning ang mga mata ko nung last year namin. Alam na alam ko ang dahilan. Sya. Mabuti nga lang, ako pa rin hanggang graduation.

College. May nagbalita lang sa akin na nasa isang school sya. And instead of me going to that school my father told me to, I went there, kung nasaan sya. At sakto na naman, my course was the university’s best program.

Sa limang taon ko sa kolehiyo, nangarap ako. Pinangarap ko sya. Nauso sa akin ang signs. Yung kulay yellow na favorite ko, kulay ng suot nyang damit noong una ko syang natagpuan. Hinanap ko kasi sya sa loob ng unang buwan  sa school. Mayroon ding – ibibigay ko yung birthday card para sa kanya pag uulan on that day.

Marami rin akong kalokohan. Tatambay ako sa library, hoping na nandoon sya at pag ako ang nauna, magsstay ako hanggang di sya umaalis at wala akong klase. Good influence pa nga. Tatayo sa isang sulok kung alam kong dadaan sya. Hindi magsasalita, ngingiti o hindi mamamansin. Ako yung klase na hindi mangangausap ng tao na gustong-gusto ko.

Malamang nagtataka sya noon kung bakit nagagawa kong iwasan o takbuhan sya kahit na alam nyang nakita ko na sya. It’s my attitude. Doon nalalaman kung gustong-gusto ko yung tao. Hindi ko sya kayang salubungin sa mata o malamang ay kausapin ng matagal. Somehow, nahahabol nya ako minsan, inaaya sa mga school events. But I can’t, hindi dahil ayaw ko, may klase ako. Naman.

I was someone unpredictable pagdating sa kanya. Until his college graduation came near. Ayun na naman yung pakiramdam na maiiwan na naman ako. Oo nga pala, hindi naman kami. Pero isang bagay na maganda, hindi ako isa sa mga babaeng nagpapalit-palit sa buhay nya nung college.

At kahit na ako lang ang nagmamahal, masakit parin.

Nag-attend ako ng graduation nya without him knowing. Parang nung highschool lang. Ang pinagkaiba lang, I knew this will eventually come at ngayon, malulungkot nalang ako at hindi na iiyak. And after that, normal nalang ulit ang buhay.

Yun ang alam ko. One afternoon, nilapitan ako ng classmate kong may alam. He stayed to teach. Sabi ko, nakakataranta. Paano nga ba kung maging estudyante nya ako sa isang subject? I really wished na hindi. Ang hirap kaya.

Same day, kabang-kaba akong pumanhik sa stairs papuntang library. Kasi naman, sya ang kasalubong ko. At sya lang, walang ibang tao on that corridor. I barely stood on my feet. Ngiti ng konti. Hindi ko maalala yung tanong nya. Basta sagot ko, oo. Natutulala parin kahit ang tagal-tagal na naming magkakilala.

Yun ang huling taon ko sa college and I was thinking like, sinasamahan nya ako. Ok na rin kaysa dati. Inspiration lingers in school, sapat na para pumasok araw-araw.

Nag-New Year and ramdam ko na yung pag-alis namin sa school. Sabi ko, ako naman ang mang-iiwan. Wala yatang pinagkaiba ang maiiwan sa mang-iiwan. Parehong malungkot. At may isang gabi, nakatambay kami ng mga barkada ko. Nakita ko syang parating at tiningnan ko lang sya. Napatingin din sya sa akin. Habang papalapit sya, iniisip ko na kakausapin nya ako o kami. Mali ako, nilampasan nya lang kami. Walang kahit ano. Dala ng pagkapahiya, nauna na akong naglakad pauwi. Tinawag ako ng mga kaibigan ko pero hindi ko nilingon. Habang daan, umiiyak na ako. Inakala tuloy nila na may nagawa silang hindi ko nagustuhan.

May isa pang pagkakataon, linggo bago ang pagtatapos namin. While waiting sa prof namin, tumambay kami ng classmate ko sa isang kiosk. So there, parating na naman sya. Di parin ako natuto, tinitigan ko parin sya. This time, hindi na sya nakatingin. Titig na titig ako habang naglalaglagan ang mga luha ko. Yun yung pakiramdam ng magmahal mula sa malayo.

Graduation came. Inasahan ko syang nandun kasi kasabay namin sa ceremony ang college na pinagtuturuan nya. Pero wala sya. Ang daya sabi ko. For the last time na nga lang. And again, reality bites. Hindi nga kami. Inexpect ko pa na nandun sya. Iniyakan ko na naman yun.

I was also a social media stalker. Chinicheck yung account nya every now and then. Enough info lang, hindi naman ako adik. Until, one time, I saw a post on his wall. HAPPY FATHER’S DAY! At bakit? Sa isip ko. Nacurious ako. May girlfriend sya pero ano naman. Nagsettle ako sa idea na, ako rin naman binabati ng happy mother’s day. Para ipaabot sa nanay ko. So, malamang, ganun din.

Umalis ako ng school na hindi naka-move on o mas magandang sabihin na, may pag-asa parin.

First love, hindi nga namamatay di ba? Sineryoso ko ang board exams, hoping na makakabalik ako pagkatapos nito. Na mababalikan ko sya.

Still, binati ko parin sya nung birthday nya.

Walang sagot. Hindi gaya noon na sumasagot sya. Naalala ko nga yung usapan namin one time na, kinumusta nya ako, kung ok ba ako sa buhay ko at sana daw ay ok talaga. I told him, kuntento ako pero syempre, may mga pagsubok parin. Sabi nya, I should already be getting someone who could help me forever. Ang sagot ko? Later. And he told me to study hard and there went the night. It died. Should I be given other chance, sana sinabi kong sya nalang sana but late, wala na.

One month before the exams, naka-chat ko yung highschool bestfriend nya. And one news just shattered me, ANG CUTE NG ANAK NYA. Hindi ko sya nasagot agad. MASAKIT BA? He added. Oo, sabi ko. Bakit nga ba hindi? Sya yung kaisa-isang minahal ko at naging inspirasyon sa mga pagkakataong nawawalan ako ng pag-asa at gana sa pag-aaral. Good influence. Nasabi ko bang top student sya sa larangan nya? Oo, kaya nga sa abot ng aking makakaya, ipinasa ko lahat ng subjects ko. Kahit nasa bingit pa yan ng papasa at hindi, sige parin ako. And I did. Gusto ko na balang araw, pag nagkita kami ulit, wala syang masabi sa akin. Confident akong haharap sa kanya.

Pero yun, just those words. Parang nakalas lahat ng nakakabit sa aking pangarap. Yung sana, sya. May phobia ako sa paglabas ng mag-isa pero nung araw na yun, nagawa kong lumabas ng mag-isa. Nagpaikot-ikot kung saan – saan. Pilit na iwinala ang pagiging heartbroken.

Hinarap ko parin naman ang buhay ko. Nalaman ko rin na tinatanong nya ako sa mga kaibigan ko. Even asked if may boyfriend na ako. Napaisip ako, bakit? Pero nanatili lang iyong tanong hanggang ngayon.

Lagpas isang dekada na, pero masasabi kong wala paring nakapantay sa kanya. Totoong it isn’t over, pero it wasn’t never mind I’ll find someone like him. Lahat ng tao unique, so malamang hindi nga totoo. Sana lang sa paglipas pa ng panahon, kung first love never dies, sana it will become lesser para naman, may maiabante pa akong mas malaking pagmamahal na karapat-dapat sa kung sino man ang parating at mananatili sa tabi ko ng panghabambuhay.

– – RJP08.15.2013

Sa Aking Mata

Kapapanood ko ng Angel Eyes, eto ang resulta..

 

>>> 

 

Ang sabi nila, nakikita sa mata ang katotohanan. Pati ang laman ng puso. Kaya nga ba, naisipang i-dare ng barkada si Jessa at Macky na magtitigan. Ang unang sumuko raw, may pagtingin sa isa.Kahit hindi gawin yun, halata namang patay na patay yung isa. Mag-two-two minutes palang pero wala na si Jessa, bumigay na. Pulang-pula yung mukha nya. Tuloy, tawanan at maingay na kantyawan ang maririnig sa condo ni EJ, ang barkada naming may-ari ng tambayan ngayon.

“Ehem, may inonominate pa ako.”si Shannen. Akala ko, tapos na yung  game. May biglang nagtataas na naman ng kamayMay ibinulong pa ito kay Jake.

“Oo nga, yung magbestfriend dyan..”si Jake na ang nagpatuloy. Nagkatinginan kami ni Paul, wala namang iba maliban sa amin. Nagngitian kami.

“Come here MJ, Paul, ayaw pang magkusa eh, alam namang sila yun talaga.” Pinuntahan pa kami  ni Shannen  para dalhin sa gitna.

“Come on guys, grabe namang trip ‘to, wag nyo namang idamay yung friendship namin..”Pakiusap ni  Paul. Unusual ha? Naisip ko. May issue ba ‘to?

 

“Ay naku Paul, sport ka lang..”kinindatan sya ni Jake.

“Ok. Let’s do this..”sabi ko na pinagsalikop ko pa ang dalawang palad ko at nagstretch.

“Bahala ka nga..”Narinig ko yung pabulong na sabi ni Paul.

TIME STARTS NOW.

Paul and I were looking at each other’s eyes. My reflection on his. He has hazel-brown eyes. Ngayon ko lang napansin ang pinagkaiba ng kulay ng mga mata nya kumpara sa akin. He has three moles – two on top of his left eye, one on his jaw. Nakangiti lang kami. Nagme-make face pa nga ako, na parang kulitan lang namin nung highschool.

1MIN, 38 SEC

Unti-unting nawala yung mga ngiti sa labi nya..pero nandun pa rin yung ningning sa kanyang mga mata. Dahil dun, ginaya ko sya. Alangan namang ako lang ang nagmumukhang sira-ulo ng nakangiti. Seryoso na yung kaharap ko.

2 MIN 43 SEC

“ANG TIBAY AH!” may nagkomento sa may bandang tagiliran namin. Hindi ko matingnan kahit gusto ko. Kung ginawa ko, eh di talo ako.Mga loko kayo, matapos lang ‘to. Nag-iisip na ako ng maigaganti agad.

4MIN, 59 SEC

“MJ, ngawit na ako..ano na?” Iritable na yata si Paul pero di naman nakakunot ang noo nya. Kilala ko sya, kung inis sya, naniningkit na yung mga mata nya, kunot na kunot ang noo.

“Aba, ayoko nga. Ano na lang ang sasabihin ng mga ‘yan?” Never kong naisip magpatalo. Malamang di na ako lulubayan ng barkada ‘pag ako ang naunang nag-give-up.

“Eh kung ayaw mo, ganito na lang.” Nagulat ako nung mas lumapit sya sa akin. His stare was in effect, hypnotizing. “You have 1MIN to back out kasi ako, hindi ko kaya, hindi ko kayang isuko ang pagkakataon na ‘to. To tell you that we’re no longer just the bestfriends, yet, I don’t wanna lose you” Tanging naririnig ko na lang yung mga sinasabi nya. Naiintindihan ko but I was lost in his eyes.

“I am doing something I might regret pero I can’t fight this anymore..”Tumuloy-tuloy sya sa litanya nya na parang matagal na nyang ni-rehearse.

“MJ, Mahal kita. Matagal na matagal na.” Kinuha nya ang isang kamay ko at ipinatong yun sa dibdib nya. His heart was beating fast and loud.

“Ramdam mo ba? Ikaw ang dahilan nito.” Nanatili akong nakatingin sa mga mata nya. At alam ko, my heartbeats started to rhyme his. I was acknowledging same thing. Estatwa na ako, and before I could unfreeze, sya na ang unang sumuko. He took away his eyes from mine to slowly claim my lips. I closed my eyes. We just did surrender in love’s unexpected challenge. At sa harapan pa nilang lahat.

7 MIN 00 SEC

TIME’S UP!

————————————————————

Tumingin Sa ‘king Mata
Magtapat ng Nadarama
di Gusto ika’y Mawala
Dahil handa akong ibigin ka

kung maging tayo 


‘Sayo Lang ang Puso ko’

 

– Sa ‘Yo by Silent Sanctuary

Sa Kabilang Banda

Feb 14. Valentine’s Day. Maagang nagising si Angela. 5:30 palang ay bumangon na sya at nag-exercise. Habang nag-iinat, hindi nya maiwasang isipin ang mangyayari mamaya. Sinabihan sya ni Paul na magbihis daw ng maayos at may pupuntahan daw sila pagkagaling sa opisina. Si Paul ang katrabaho nya na kalauna’y naging malapit sa kanya. Sa loob ng isang taon, madalas silang magkasama – pakape-kape, panonood ng basketball, at bowling. Lagi nitong sinasabi na cool syang kasama. Nandun sya sa mga panahong kailangan nitong magde-stress, magrelax o kaya naman ay makinig lang. Batuhan ng koro-koro, mga kagaguhan sa buhay, problema sa bahay at kung anu-ano pa, may mapag-usapan lang. Sa loob ng panahong iyon, nakabuo sya ng espesyal na damdamin para rito. Hindi nya lang alam kung parehas sila pero ang pakiramdam nya, sa tuwing nakatitig siya sa mga kulay kayumangging mata nito, may nagtatago roon. Hindi lang nya matukoy.

6:30am. Nakakain na sya at nakaligo. Binuksan nya ang closet at tiningnan ang ilang araw na nyang pinagpipiliang mga blouse at bestida. Ngayon lang nya ito gagawin. Kaiba sa mga nakasanayan nyang suotin sa pagpasok. Panay slacks, jeans, blouse at long sleeves ang madalas nyang gayak sa office. Hindi sya nagsusuot ng skirt o dress. Hindi sya komportable. Dahil doon, kailangan nyang suklian nalang ng ngiti ang mga panunukso sa kanya ng kahit minsan man lang daw ay makita nilang babae sya. Oo, tingin nila one of the boys sya. Halos silang lahat maliban kay Paul.

Pinili nya ang faded jeans inspired blue dress na may palamuting mga bulaklak sa laylayan nito. Simple pero nakakaagaw ng pansin ang disenyo nito. Kinuha nya rin ang isang soft blue wedge sandal na matagal nang nakatengga sa ilalim ng kanyang kama. Naisusuot nya lang kasi iyon kapag may okasyon. Sinipat nya ang sarili sa salamin. Kinuha nya ang pressed powder, blush on at lipstick na kakabili lang nya kagabi .Naglagay sya ng mga ito sa mukha at labi. Iyong simple lang din. Hindi sya palaayos kaya araw-araw pulbo lang ang inilalagay nya sa mukha at lip shiner lang sa labi pero dahil iba ang araw na ‘to, naghanda sya. Magpapaganda sya, mag-iiba. Hindi man sa paningin ng karamihan kundi para kay Paul.

Imbes na ang backpack nyang adidas na pula ang dala, kinuha nya rin ang isang light brown tote bag. Isa-isa nyang isiniksik doon ang mga gamit nya. Tiningnan nyang muli ang repleksyon sa salamin at ngumiti. Kontento na sya. Binuksan nya ulit ang closet at kinuha rin ang isang cardigan. Malamig pa kasi ang panahon lalo na ‘pag gabi. Isinukbit nya ang bag sa kanyang balikat at hawak-hawak ang cardigan na lumabas sya ng silid. Nagulat ang mama nya sa itsura nya. Hindi raw ito sanay pero maganda raw, maganda raw sya. Biniro naman nya ito, oo nga’t mama nya ito talaga. Niyakap, hinagkan at binati nya ito ng Happy Valentine’s Day. Hinabol pa sya nito ng mga salitang, “anak, kung sino man sya, Masaya ako para sa ‘yo..” at nakangiti itong kumaway sa kanya.

Sumakay sya ng taxi. Ayaw nyang magjeep ngayong araw. Sayang naman ang get-up nya kung sisirain lang yun ng usok ng kalye at ibang amoy na masasagap sa bawat dadaanan nila. Malapit na sya sa gusali nila nang paunti-unti na ang usad ng sinasakyan nya. Kung kailan naman malapit na tsaka nagkaganito, himutok nya. Mga kinse minuto na grace period na lang. Pinili nyang bumaba at lakarin na lang. Pagdating nya sa isang kanto, isang lalake ang nakaagaw ng atensyon nya. Naka-pink long sleeve ito, bagay sa maputi nitong balat. Napangiti sya at nagsimulang kabugin sa dibdib. Si Paul. Naglakad ito patungo sa direksyon nya, tatawagin upang pumasok na. Isang metro na lang ang layo nya ng mapansin nyang may taong kaharap ito. Hindi lang iyon, kahalikan. Na-estatwa sya.

Sa pagkaramdam na may taong malapit, napalingon si Paul habang hawak-hawak pa ang mukha ng isang babae. Nakita sya nito. Siya naman ay tulala. Nagulat na lang sya ng  magsalita si Paul. Tinanong nito kung bakit sya nandun? Nginitian lang nya ito sabay talikod at naglakad ng mabilis. Mabilis palayo sa direksyon ng gusali nila. Narinig nyang tinatawag sya ni Paul pero hindi naman sya nito hinabol. Gustong pumatak ng mga luha nya pero hindi nya pinayagan iyon. Sumakay sya ng taxi. Nagsabi sya sa driver na dalhin sya sa baywalk. Mamaya na sya uuwi  ‘pag nakapasok na ang mama nya sa trabaho. 9am ang pasok nito sa opisina limang kanto mula sa kanila. Ayaw pa nyang magkulong sa bahay at magpakain sa emosyong bumabalot sa kanya ngayon – kalungkutan at inis. Kalungkutan dahil mukhang hindi na sila pwede ni Paul at inis dahil umasa sya, pinaasa sya.

Pagkatapat ng taxi sa baywalk, bumaba sya at nagbayad. Umupo sya sa isang bench na nalililiman ng puno ng niyog. Naisipan nyang kunin ang telepono sa bag dahil kanina pa ito nag-vivibrate. Maraming missed calls ni Paul ang tumambad sa kanya. Marami ring text messages.

Paul: Pre, anong meron? Tinawag kita ah.

Paul: Sayang, ipapakilala pa naman kita kay Tricia, sinagot na nya ako.

Paul: Nasaan ka ba? Sisipot ka ba mamaya?

Paul: Ipapakilala ko sana yung pinsan ni babe, si Marge. You will like her.

Paul: Saglit, ikaw ba talaga yun? Ba’t ganun ang suot mo?

Paul: hoy, ba’t di ka pumasok? Nu nangyari sa ‘yo?

Marami pang text pero di na nya itinuloy basahin. Ano ba naman? Nagkamali pala sya ng akala. Unti-unti syang nahulog rito pero ito pala, walang pinagkaiba sa kanila – lalake ang tingin sa kanya. At may ipakikilala pa raw itong babae. Ang saklap. Namili na sya pero bakit ganun? Pinababalik sya. Muntik na nyang ipahiya ang sarili. Kay Paul. At oo, hindi sya sasaya sa ganung isipin. Desperada. Wala sa bokabolaryo nya yun. Inipon nya ang mga gamit at tumayo na. Nakapagpasya na sya, sa kung ano ang dapat nyang gawin.

Feb 15. 7:45AM. Nakabihis na sya at papasok sa trabaho. Sabado iyon kaya pinapayagan silang suotin ang rugged attire. White Shirt, Blue Jeans, black sports watch, sneakers at bag na pulang Adidas. Maliban roon, nagpagupit sya kahapon ng maiksi. Iyong tipong hanggang pwede lang maitali. Pinakamaiksi na iyon sa mga gupit nya. Nagulat ang mama nya sa ganoong itsura nya. May inaasahan yata itong iba. Nagpaalam sya at sinabing sa opisina na mag-uumagahan. Sinabihan sya nito na mag-uusap sila pag-uwi nya. Tumango lang sya.

Pagkarating nya sa opisina, nakita nya agad si Paul. Nakipag-apiran ito sa kanya. Tinanong nya ito kung sya yun, hindi sya umamin. Tinanong nya kung ano ang sinasabi nito? Ikwinento ni Paul sa kanya yung kamukha nya raw. Kamukha nga siguro, aniya. Ang sabi pa niya rito nagkasakit sya at sayang na di sya nakasama noong gabi.

Mukha namang naniwala si Paul, sa isip nya. Isang araw na kahibangan at ‘eto babagsak din pala sya sa ganito. Hindi nya masasabi kung magiging ganun pa sya pero isa lang, masaya sya sa ganito. Mas malakas at hindi masasaktan ng mga lalake. Isang harang na minsa’y natibag pero ngayon, itinatayo na nya uli.***

1401635291402