Isama Mo Ako

Wag mo akong iwan.

Sa isang tabi
iyong tatalikuran
paluluhain sa
walang awa mong
mga salita..

Pinagdidiinan mong
Ang baba ko
kumpara sa mga
hinahangad mo;
sa lahat
ng iyong mga ninanais..

Hindi sapat ang
bawat lambing
Yapos at
bukambibig na
pangalan mo..

Hindi mo
na inisip ang
pinagdaanan,
ang bawat araw,
linggo, buwan
at taon
na sabay nating
ikinasiya
sapagkat tayo’y
magkasama.

Hindi mo na ako
mahal,
hindi mo na kailangan:
ANG SABI MO.

Ngunit,
Narinig ko.
Ako’y iniingatan mo
lang, iniisip
mong ako’y maiiwan
lang ng iyong paglisan.
Hinding-hindi
na madadama kailanman.

Samantalang ika’y
iniiwas ako,
ako nama’y heto.
Isama mo ako
pansamantala.
Mamahalin kita.
Wala na tayong oras na
sasayangin.
Wala nang pagsisisihan.
Ikaw. Ako. Tayo.
Magtatapos ng ganito.

Advertisements

Aurora Boulevard

Naalala mo ba nung una
tayong maligaw? Alas dyes na
ng gabi. Hindi pa natin alam kung
saan ang tutunguing direksyon.
Nakarating pa tayo ng SM Cubao
kakahanap natin ng EDSA.
Ewan. Pakiramdam kasi natin noon
ligtas na tayo pag nakita si EDSA.
Ngayon, halos iniiwasan na.

Naglalakad ako kanina doon
sa tulay kung saan
“sa wakas makakauwi na!”
Alam mo ba ang naisip ko?
Limang taon na pala.
Kailan nga ba tayo huling nagkita?

 

Tsokoleyt

color

Pula, asul, dilaw,

Luntian, Kayumanggi,, Dalandan..

Nakikita mo ako sa paraang

Gusto mo..

Nawiwili kang naisin at isipin

Ang tamis na taglay ko,

Sing-tamis ng mga ngiti mong

Nasisilayan tuwing ako’y

Nasa harapan mo.

Natutuwa akong napapasaya kita,

Na sa saglit man ay

Bumalik kang bata –

Ang kainosentehan at kamusmosan mo.

Ngunit ang tanong ko lang –

Sakaling lumipas man ang panahon

At wari’y maghulasan ang mga kulay

Na sa iyo’y nakapag-aaliw,

Kung sakaling ang tamis na inaasam mo tuwina

Ay hindi na makita,

Mamahalin mo pa kaya ako?

uncolor

Mga Piraso

Hilam sa luha

Ang malalalim kong mata

Hatid ng winasak na pangako

Binitiwan, nabasag, walang nakasalo.

Iniwan mong durog

Sa pinakamataas mo hinulog

Ngayo’y pira-piraso

Pusong pinagtaksilan mo.

Hindi mo man lang nilingon

Sa pag-alis mong wala sa panahon

Ang isang hindi handang tumugon

Sa pagbabagong ikaw lang ang nagsulong.

Dalawa tayo, dalawa rin kayo

Sa mundo nating tatlo

Nauna ako pero ipinatalo

Pinili mo sya, tapos ang kwento.

Magkagayunpaman,

Sakit ng damdami’y hahayaan

Mawala, lumamlam nang mag-isa

Maghilom, mabubuo ng sadya.

Hindi na kita mamahalin, sayonara!

wpid-20150912_200820.jpg

Sya sa Akin

**sana masalinan na nya ng himig ‘to..

SYA SA AKIN

I.

isang umagang nagising
yakap ang sarili
hindi lilimutin ang panaginip
ibabangon ang araw..

II.

hahakbang unti-unti
madapa man,
hindi idadaing
tatayo lang uli.

Chorus:

para sa ‘yo
buo ang loob
aking susugurin
itatakbo
sa sikat ng araw
patak ng ulan
ako’y mananatili
mabubuhay
sa alaala mo..

III.

bibigyan ng kulay
ang dinadalang lumbay
lumilipas ang oras
kailangang maglibang
ipadadama ang pagmamahal mo
iaalay ang lahat..

IV.

hindi ko hahayaan
sa puso’y mawala
nandito ka lang
tataglayin kita…

**for my Nanang (mother), 1 year after she joined our Lord

Hindi Mo Alam, Hindi Ko Alam

Pauwi na ako giliw-

Hindi mo alam

Nawa’y matuwa

Pagkakita sa  akin.

Hindi ko nakalimutan

Aking dala-dala

Yaong matagal mo nang dinadaldal

Hindi mo alam

Aking kinakabisa.

Di ba’t paborito mo

Ang suha, alimango at mangga?

“Kung meron kayong bunga ng kakaw”

Sabi mo, “padagdag nalang sana”.

Bitbit ko mula sa amin

Hanggang pyer

Para lang sa ‘yo sinta..

Hindi alintana ang pagod

Papawiin naman ng iyong ngiti

Puso ko’y naghuhunos dili

Makikita ka na sa kaunting sandali.

Hindi mo alam

Habang papalapit

Sa iyong kinaroroonan

Mga eksena sa utak

Isa-isang nagsalimbayan..

Hindi ko na rin namalayan

Nasa tapat na ako ng iyong pintuan,

Hindi nakapinid ang pinto

At  dahil sorpresa, bigla kong itinulak ito.

Hindi mo alam,

Hindi ko alam

Nagkatinginan tayo

Parehong gulat

Hinde, mas gulat ako

Tatlo tayong narito

Nakataas ang kilay nya

Nakaistorbo yata ako..

Bumuka ang bibig mo,

“Siya si Elaine, girlfriend ko”

Anak ng pating

Para akong mapapraning..

Iniabot ko yaong dala

Sabay sabing pabigay ni lola,

Nagpasalamat ka

Na may kasamang tanong sa mga mata

Nasabi ko na yata?

Sumakabilangbuhay na si lola.

Alam mo, alam ko, alam mo na

Ngunit hayaan

Ako’y uuwing hindi luhaan

Babalik na lang kinabukasan

Kapag wala na,

Wala na syang nakapagitan..

#abanger ang PEG..haha

Malay Mo Lang..

Sa istasyon ng tren, bintana sa kabilang building, sa hallway kung saan umiiyak ka ng mag-isa (na akala mo lang), sa ilalim ng ulan at nakapayong ka, sa dyip dis-oras na ng gabi, sa nasirang elevator, sa holdapan sa bus, sa kasalan kung saan ikaw nalang ang natirang single sa tropa, sa tuktok ng bundok, dumarating ang isang taong magpapakilala ng mahika.

Isang mahika. Isang pag-ibig. Ang katotohanang nariyan ang taong yan sa harapan mo ay dahil binibigyan ka ng pagkakataong makilala, maramdaman ang bagay na nagpapasidhi ng tibok ng puso mo. Ang tanong: bibigay ka ba? Magpapatianod sa kapangyarihan nito? Susukuan o pilit na lalabanan?

May pinipiling magmahal, kahit na katapat nito’y rollercoaster na emosyon at kaganapan. May pinipiling magmahal kahit na tadhana na ang kusang humaharang. May pinipili ring maging duwag, sa pag-iisip na ang sasapitin ay katulad ng ibang sawi.

Sa isang segundo, sa isang ihip ng hangin, dumarating ang pag-ibig sa iyong pintuan. Maraming pwedeng gawin, maramdaman. May nagkamali ng pintong kinatok o kaya nama’y iba ang nagbukas. Isang beses, dalawa. Sa ilang ulit, hanggang kailan mo patutuluyin ang inaasam mo’t hinihintay? O kaya naman yung nagbabalik at nagpapakilala ng pangalawang pagkakataon.?

Anu’t-ano pa man, walang pag-ibig na nawawala. Nagbibihis lang ito ng bago, lumalamlam pero hindi namamatay. Maghintay. Sumugal. Maging matapang. Pasasaan ba’t nasa harapan mo na ang bigay Niya.

Makwento

Naghihintay.
Ng kung meron man.
Nasasanay.
Nawalan na ng pakiramdam
Magdabog ay di ko na alam…
Nililibang ang sarili sa pagmamasid
Sa pag-asam na kahit minsan
May masisilayang ngiti.
Sa gitna ng ingay na di maintindihan ay naroon ako.
Isang tila eksena sa pelikula,
Slowmo at  blak en wyt;
Totoong makaluma.
Hayaan na kung walang makabatid,
Kita ko naman ang mundo
Ang lawak at anyo nito..
Ang mga anino ng kung sinu-sino.
Maglalakad nalang ako sa gitna
Ninyo..
Isusulat, ikukwento ang lahat ng ito.

Unti-unti

sketch_sunset

Nalulunod ako.

Pakiusap.

Wag mo akong sagipin.

Isa kang tanawin

Sa gitna ng lawa

May angking yumi at ganda

Kusa kong nilapitan

Tinatangkang mahawakan.

Sinuong ang palalim

At palalim na

Pagsinta

Kahangalan mang maituturing

Hindi napigil ng utak

Ang aking mga paang kinatigan ng puso

Mabilis, nagmadali;

Nariyan ka na pala

Abot na sa isang dipa.

Sa pagkahumaling aking tatawirin

Ang patlang kapalit ay buhay.

Pakiusap.

Wag kang mag-abot

Ng iyong mga kamay.

Ayoko.

Tayong dalawa’y lumubog.

Mamatay.

Pabayaan mo na.

Ako na lang…