24 Pebrero

sa lahat ng
nakakagaan sa
pakiramdam ko,
pampapawi ng
pagod ay ngiti..

lalo na ng mga
bata.

pupunta ako sa
halloween party
kahit masakit
ang ngipin ko
at hindi pwedeng
kumain ng candy
para lang
ma-meet yung
mga batang
nagti-trick or treat.

super titig
ako sa baby
na karga ng nanay niya
sa jeep.
sana matagal
pa ang byahe.

namimigay ako
ng balloons
sa gitna ng park
sa kahit sinong bata.
nakakatuwa pero
minsan may pinagalitan
ng tatay nya kasi nagwawala na,
katuturo sa mga lobo..
nalungkot ako.

magha-hi ako sa
halos lahat ng
nagmamay-ari
ng inosenteng
mga matang
nakatingin sa akin.
buti nalang
hindi sensitive
mga magulang nila.

uuwi ako ng
probinsya
makayapos at
makakulit lang,
o kaya ay handang
kumarga ng
isang linggong
bagong silang
na sanggol.
ang sarap ng
pakiramdam makahawak
ng isang anghel.

—–ang halakhak nila.
ang mga ngiti.
ang mga biloy sa pisngi;
nakikita mo ba
sa kanila
ang sarili mo noon?
Tumingin ka
sa mga mata ng isang
bata, ang simple
lang ng buhay
di ba?

23 Pebrero

Hindi ako
mahilig makipagsiksikan
sa kung saan-saan
makita lang ang isang tao,
pangkat o kung ano man.

Ilagay mo ako
sa isang tabi,
bigyan mo ako
ng aklat, ng musika
ng matitingnan mag-isa.
Hindi ako mababagot.

Sa isang syudad
kung saan lahat
nagmamadali,
pakitigil ang oras.
Hindi ako makasabay.
Kailangang maglakad
ng matulin, ayaw maiwan.

Doon sa kabukiran,
ako’y uupo sa ilalim
ng punong kahoy.
Magbabasa, iidlip,
magpapatangay sa ihip ng hangin.

———Kailangan kong
makapiling ang dalawang
mundo. Kailangang
maghanap-buhay
at maghanap ng ikakasiya
ng buhay ko.

22 Pebrero

22. Dahon na nakaipit
sa kwaderno. Beads ng
sandalyas. Balat ng tsokolate.
Otso. Tulay. Hanger.
Kumot. Halakhak ni Sarah G.
Idugtong mo na lahat
ng dahilan,
lahat ng mga
bagay, tao, pook
pangyayari,
kanta, kalokohan,
kabaliwan–
mga kusang
nagpapadama sa ‘yo
ng paulit-ulit
sa ‘yong diwa,
panaginip, isip
at puso ng
sakit, ngiti,
pait, lambing,
tapang at iba pang
sari-saring
karanasan.

——Wag nawang
magtaka ang iba
kung sakaling
nagwawala kang maghanap
ng lumang piso mo.
Hindi kasi pera
ang katumbas nito
kundi ng nag-iisang
minamahal mo;
ang nagsabing,
“eto, bumili
ka ng kausap mo.”

21 Pebrero

Sinong nagsasabi ng totoo?
Sinong nambobola?

Pakihayaan po silang magsalita.

Sa bawat daing
ng bayang naghihintay,
sa hinagpis
ng hindi napakikinggan,
sa inaapakang mga karapatan,
at mga kaganapang nilalaro
ka lamang–

katulad noon,
pinagbibigyan kang
kumawala,
mamili ng nanaisin
mong magtaguyod
sa iyong mga isinisigaw
araw-araw..

yung mga kulang,
yung sobra,
yung seguridad
na bukas, makalawa,
nakatuntong ka parin
sa bayang ipinaglaban
ni Rizal, Bonifacio,
at Luna–

———-Mamili ka.
Dumalangin ka.
Yung ituturing
mong bayani ka;
bahagi ka ng
pagbabagong
matagal mo ng inaasam.

20 Pebrero

Nakahanda sana
kaming manood ng pelikula,
kaming tatlo.

Habang nakatingin
sa nilalanggam
kong mga kaibigan,
hindi ko maramdaman
yung inggit.
“Walang puso”?
Marahil, inaapuhap
ko na rin.
Pero teka,
yung puso ko
naroon naman.
Hawak nung dalawa.

Maano ba’t maging
dakilang tagasuporta
ka ng mga taong
sa tuwina’y mga kapatid
kung ituring ka?

——Nanaisin kong
maging tagabantay,
tagamasid sa ngayon.
Hindi naman malayo
(sana) yung pusong
handang magpahawak
sa aking mga palad.

Tawag ng tungkulin muna,
ang ate – at kaibigan.

19 Pebrero

Kalayaan nating
mag-isip ng mga bagay-bagay
patungkol sa tama,
sa mali
at sa unang titig
ng ating mga mata.

Sari-saring bagay
ang nabubuo
sa kalikutan ng isip,
lumalabas sa bibig
at di namamalayan,
may ngumingiti,
natatakot
nahihiya,
napapaitan,
lumalaban,
at nasasaktan.

Ang maging totoo,
ang may paninindigan,
ang manatiling tikom
sa paniniwala ng lipunan –
kanya-kanyang
dahilan.

——-Naririnig ka man,
nagkikibit-balikat,
nagbabakasakali
sa pagtanggap:
pakitandaan na ikaw
ay bahagi ng kalawakan,
ng mundong gumagalaw.
Ang kawalan mo’y
ikababago sa kwento
ng bawat nilikha
Niya.

18 Pebrero

Pinakikiramdaman
mo ba ang mga sagot
sa mga tanong mo?
Yung gumagawa ka
ng sariling katapusan
ng mga kwentong
umiikot sa ‘yo
at sa ibang tao.
Ipipinid ng kusa
ang mga pintuang
may handa pang
pumasok.

Nakikipagkumpromiso
sa anong mayroon
sa ngayon;
hindi ng pag-asang
kahit katiting
man ay buhayin.
Higit sa kung
anong tinitibok
ng puso,
ipagsasapalaran
lamang ay manalo
sa tadhana,
sa oras,
sa pait ng nakalipas.

Nanaisin
mong magpatuloy
nang may lumbay,
maramdaman mo lang
na ika’y malaya na.

———-Mali ka ng inakala,
kailangan mong harapin
na tama sya,
ang dating pag-aari mo,
iyong-iyo pa rin..
walang nagbago, ikaw lang.

17 Pebrero

Ayon sa aking
therapy doctor,
pag nagmatigas ako
at di nag-ingat
sa mahina kong
kamay,
tutuluyin ito
sa surgery.

Talaga nga namang
ganun,
sa mga bagay
na hindi pinagtutuunan
ng pansin;
pag gawa lang ng gawa
sa kabila ng mga
paalala,
hindi mo namamalayan,
nasa hangganan ka na.

Hihintayin pa bang
sugatan ka muna?
mawalan ng kakayahang
maging kumpleto
sa paglasap
sa mga biyaya
ng buhay
bago mo
maisipang pakinggan
ang daing
ng katawan mo?
ng puso at ng
pagkatao mo?

——-Isa lang ang buhay
na meron ka, natin.
Waldasin mo ito
sa maayos
at mabuting mga alaala.
Maging malaya,
matapang, maligaya
at hinay-hinay lang.

16 Pebrero

anong mali?
anong tama?

hindi na natin
alam kung
anong kakapitan.

gusto kong
kuhanan ng
litrato ang yung mukha
sa tuwina’y
nakangiti ka
nang dahil lang
sa presensya at
kanyang kakulitan.

ang mundo
mo’y tila gabi
naman na
walang ilaw
pag hindi na
mahagilap ni anino nya.
bumabalik sa dati,
nagkakasya sa sinag
ng buwan.

paano mo
haharapin ang
bukang-liwayway
sa ganito
kung patay-sindi
ang damdamin mo.

————lakasan
ang loob mo,
hindi nananalo
ang hindi sumusugal.

subukan mo namang
magpahatak sa kanya,
sa paglabas ng araw,
katanghalian, paglubog nito
at maging sa ikinukubli
mong mundo.

15 Pebrero

Para kang nasisiraan
ng bait.

Naisip mo
ba kung bakit
nagsipatakan nalang
bigla ang mga luha mo?
Yung may kirot sa
dibdib mo.
Hindi mo maintindihan.

Marahil may kulang.
Marahil may mali.
Marahil may sobra.

——–alam mo
kung ano? Pagod
ka na. Magpahinga
ka naman. Ayusin mo.
Kumpunihin mo. Tahiin mo.
Itama mo.