22 Pebrero

22. Dahon na nakaipit
sa kwaderno. Beads ng
sandalyas. Balat ng tsokolate.
Otso. Tulay. Hanger.
Kumot. Halakhak ni Sarah G.
Idugtong mo na lahat
ng dahilan,
lahat ng mga
bagay, tao, pook
pangyayari,
kanta, kalokohan,
kabaliwan–
mga kusang
nagpapadama sa ‘yo
ng paulit-ulit
sa ‘yong diwa,
panaginip, isip
at puso ng
sakit, ngiti,
pait, lambing,
tapang at iba pang
sari-saring
karanasan.

——Wag nawang
magtaka ang iba
kung sakaling
nagwawala kang maghanap
ng lumang piso mo.
Hindi kasi pera
ang katumbas nito
kundi ng nag-iisang
minamahal mo;
ang nagsabing,
“eto, bumili
ka ng kausap mo.”

Advertisements

06 Pebrero

sa isang paglalakbay,
walang malayo sa

pagkakaibigang

tunay..
at mga kabaliwan,

kakulangan,

nag-uumapaw

sa katakawan..
ang unang tatawa,

dadamay,

maninipa, mananampal..

mangungulit..
—-kung saan pupunta
ituturo ang daan, sige lang

dahil ang buhay na meron

ka, nya,

wala ng balikan…

Aurora Boulevard

Naalala mo ba nung una
tayong maligaw? Alas dyes na
ng gabi. Hindi pa natin alam kung
saan ang tutunguing direksyon.
Nakarating pa tayo ng SM Cubao
kakahanap natin ng EDSA.
Ewan. Pakiramdam kasi natin noon
ligtas na tayo pag nakita si EDSA.
Ngayon, halos iniiwasan na.

Naglalakad ako kanina doon
sa tulay kung saan
“sa wakas makakauwi na!”
Alam mo ba ang naisip ko?
Limang taon na pala.
Kailan nga ba tayo huling nagkita?

 

Sya sa Akin

**sana masalinan na nya ng himig ‘to..

SYA SA AKIN

I.

isang umagang nagising
yakap ang sarili
hindi lilimutin ang panaginip
ibabangon ang araw..

II.

hahakbang unti-unti
madapa man,
hindi idadaing
tatayo lang uli.

Chorus:

para sa ‘yo
buo ang loob
aking susugurin
itatakbo
sa sikat ng araw
patak ng ulan
ako’y mananatili
mabubuhay
sa alaala mo..

III.

bibigyan ng kulay
ang dinadalang lumbay
lumilipas ang oras
kailangang maglibang
ipadadama ang pagmamahal mo
iaalay ang lahat..

IV.

hindi ko hahayaan
sa puso’y mawala
nandito ka lang
tataglayin kita…

**for my Nanang (mother), 1 year after she joined our Lord

Unang Ulan

wpid-20150912_200837.jpg

Unang araw ng Oktobre ngayon at inulan ako. Kasabay ng pagpilantik ng ulan sa sementong nilalakaran ko ay ang pagbuhos naman ng sari-saring kaisipan, damdamin at alaala sa akin. Para sa nakararami, lalo na sa mga senti, ang ulan ay kasingkulay ng kalungkutan. Ngunit ako, habang nasa gitna nito, napagtanto kong ang ulan ay may iba’t-ibang kulay. Gaya ng kasabihang “nasa tumitingin ang ganda ng isang bagay”, mararamdaman at makikita mo ang hatid nitong ligaya, lungkot, pakikiramay at galit.

_Naging masaya ang pagkabata mo dahil sa pagtampisaw at paliligo sa ulan. At hindi ka na tumanda at tumino.

_Pakiramdam mo, kinatigan ka ng langit dahil dun sa gitna ng ulan, iniwan ka ng isang minamahal. Isang paglisan sa buhay mo. Pinili mo ng mabasa. Pinadaloy ang mga luhang ang ulan lang ang kayang magkubli.

_Alaala. Oo,  ang dampi ng bawat patak ng ulan sa iyong mga palad ang nagpapabalik sa isang matamis na sandali. Nakisukob sya sa payong mo.

_Pagkatapos ng mahaba-habang pagkatuyo ng lupa ay bumagsak ang sunod-sunod na butil ng tubig. Tila nakikiayon ka sa pagkauhaw ng lupa sa ulan. Nagpasalamat ka sa Kanya.

_Hindi mo na mahihintay ang paghinto nya. Ngayon o hindi na. Sinugod mo ang buhos ng ulan. Sa wakas, matutupad mo na ang pangakong makakarating ka.

_Tuwing kukulog at kikidlat, binabalot ng takot. Pilit iwinawaglit ang nakalipas. Umusal ng dasal. Sana ‘wag ng maulit pa.

_Ano ang masarap ngayon? Kape o tsokolate? Tsamporado, bulalo o noodles? Matutulog? Alin man dyan.

_Basa na ang sinampay.

_Kiss the Rain ni Yiruma

_At sa akin ngayong araw, ito ay inspirasyon. Habang naglalakad, siyang-siya ako. Pinanood ko ang buhos ng ulan habang tinatamaan ng ilaw mula sa widescreen ng parke na dinadaanan ko. Ang ganda. Naisip ko lang na kung sakali ay mas maraming klase ng kulay ang tatama, mas magiging kaaya-ayang pagmasdan ito.

Maraming kwento sa ilalim ng ulan. Hindi lahat luha. May ngiti rin. Ikaw ba? Anong maibabahagi mo sa ulan?