Unang Ulan

wpid-20150912_200837.jpg

Unang araw ng Oktobre ngayon at inulan ako. Kasabay ng pagpilantik ng ulan sa sementong nilalakaran ko ay ang pagbuhos naman ng sari-saring kaisipan, damdamin at alaala sa akin. Para sa nakararami, lalo na sa mga senti, ang ulan ay kasingkulay ng kalungkutan. Ngunit ako, habang nasa gitna nito, napagtanto kong ang ulan ay may iba’t-ibang kulay. Gaya ng kasabihang “nasa tumitingin ang ganda ng isang bagay”, mararamdaman at makikita mo ang hatid nitong ligaya, lungkot, pakikiramay at galit.

_Naging masaya ang pagkabata mo dahil sa pagtampisaw at paliligo sa ulan. At hindi ka na tumanda at tumino.

_Pakiramdam mo, kinatigan ka ng langit dahil dun sa gitna ng ulan, iniwan ka ng isang minamahal. Isang paglisan sa buhay mo. Pinili mo ng mabasa. Pinadaloy ang mga luhang ang ulan lang ang kayang magkubli.

_Alaala. Oo,  ang dampi ng bawat patak ng ulan sa iyong mga palad ang nagpapabalik sa isang matamis na sandali. Nakisukob sya sa payong mo.

_Pagkatapos ng mahaba-habang pagkatuyo ng lupa ay bumagsak ang sunod-sunod na butil ng tubig. Tila nakikiayon ka sa pagkauhaw ng lupa sa ulan. Nagpasalamat ka sa Kanya.

_Hindi mo na mahihintay ang paghinto nya. Ngayon o hindi na. Sinugod mo ang buhos ng ulan. Sa wakas, matutupad mo na ang pangakong makakarating ka.

_Tuwing kukulog at kikidlat, binabalot ng takot. Pilit iwinawaglit ang nakalipas. Umusal ng dasal. Sana ‘wag ng maulit pa.

_Ano ang masarap ngayon? Kape o tsokolate? Tsamporado, bulalo o noodles? Matutulog? Alin man dyan.

_Basa na ang sinampay.

_Kiss the Rain ni Yiruma

_At sa akin ngayong araw, ito ay inspirasyon. Habang naglalakad, siyang-siya ako. Pinanood ko ang buhos ng ulan habang tinatamaan ng ilaw mula sa widescreen ng parke na dinadaanan ko. Ang ganda. Naisip ko lang na kung sakali ay mas maraming klase ng kulay ang tatama, mas magiging kaaya-ayang pagmasdan ito.

Maraming kwento sa ilalim ng ulan. Hindi lahat luha. May ngiti rin. Ikaw ba? Anong maibabahagi mo sa ulan?

Leave a comment