29 Pebrero

Oo, alam ko
namang hinintay
mo ito..

sa loob ng apat na taon,
minsan lang tayo magkita–
swerte nga eh,
apat lang.

kumusta na?
pitong taon
ka na rin,
tayong nagtatagpo.

ngayong araw,
nakita ko yung
konsepto mo kay google.
ang tingin nya
nakikisiksik ka lang
kay bente otso at uno.
Ok lang, tulog
na sila pareho.

Para kang yung
mga kaibigan kong
hindi pinapansin
kaya ang gawa,
pumapagitna. Kailangan
ng atensyon.
Epektib naman,
kita mo..sadya
kitang kinikita.

Isa kang okasyon
na inaalala.
Extra lang pero
espesyal.
Hindi ba nakakasaya ng
pakiramdam na makita
ang mga numerong meron ka.

Ang dami-dami kong
dinadaldal
pero nais ko lang
sabihin na

MALIGAYANG KAARAWAN!

at sa mga taong
sinasabayan ka
sa ilang tig-apat na taon.
sa nakikihati sa
araw ng may araw.
O sya, ito ay para
sa inyo.

Salamat sa Kanya
at may isang araw na
para lamang
sa mga espesyal
na gaya nyo.
Sa pagmamahal
na kahit abutin ng
apat na taon,
tinitiyagang antayin.

Siguro nga,
hindi kayo mainipin ano?

——-at eto ang
Pebrero. Tinatapos ko
na. Nawa’y araw-araw
ang ibahagi natin ay
pagmamahal, hindi galit.
Ingatan ng mabuti ang
pusong nagpapadaloy
ng buhay sa ating
isip at pagkatao.

Advertisements

26 Pebrero

kung
saan nananahan
ang puso mo…

sa kalye –
sa piling ng mga
batang tinuturuan
ng kusa. mga musmos
na nagkaroon ng
ate at kuya sa inyo.

ang mga gurong sa
loob ng anim,
apat, limang taon..
mas kapiling mo
kaysa iyong nanay at tatay.
silang mga tinatawag
kayong ‘anak’
at pinagsasabihan,
igigiya kayo sa tama.

sa bawat naglalakbay,
umaakyat ng bundok na
naghahanap ng kalayaan –
doon sa tuktok,
sa gitna ng dagat,
sa lalim ng gabi,
sa piling ng mga kaibigan
at minsa’y mga estranghero
ay matatagpuan ang
iyong sariling nakauwi na.

sa laro (ng buhay mo),
naroon ang mahihigpit na
gagap ng kamay,
ng saya sa pagtatagumpay..
ng pag-ahon mula sa
pagkabuwal,
tinutulungan kang
tumayo sa bawat pagkatalo..
nagsasabing “tara na
kaya natin ‘to!”

sa kabila ng pagkawalay,
sa pagitan ng mga dagat
at magkabilang panig
ng mundo,
inaabot ang mga yakap,
pinapalipad ang mga halik
kasaba’y ng byahe
ng puso mong milya-milya
kung magmahal.

——-Saan ka masaya?
Saan ka ba kuntento?
Saan gustong tumungo
ng puso mo?

marami.
maraming sulok
kung susuriin mo –
kung saan nakakahinga
ng panatag ang loob mo.
Ang pamilyang inuuwian
mo at lisanin man
minsan,
babalikan
at babalikan mo.

20 Pebrero

Nakahanda sana
kaming manood ng pelikula,
kaming tatlo.

Habang nakatingin
sa nilalanggam
kong mga kaibigan,
hindi ko maramdaman
yung inggit.
“Walang puso”?
Marahil, inaapuhap
ko na rin.
Pero teka,
yung puso ko
naroon naman.
Hawak nung dalawa.

Maano ba’t maging
dakilang tagasuporta
ka ng mga taong
sa tuwina’y mga kapatid
kung ituring ka?

——Nanaisin kong
maging tagabantay,
tagamasid sa ngayon.
Hindi naman malayo
(sana) yung pusong
handang magpahawak
sa aking mga palad.

Tawag ng tungkulin muna,
ang ate – at kaibigan.

07 Pebrero

linggo, maaga akong gumising..
nakipaghabulan-

oras, tulog, marathon..
nagawa ko naman lahat

kahit pagod, kakamadali..
ewan, minsan in demand ako..

kailangan na nga lang talagang kayanin.

sa buhay naman ganyan, pag sinabing mahalaga, mahalaga.. Hindi pwedeng bitawan. Gagawin ang kaya.

Sakripisyo yan.
——–para sa mga bagay at taong minamahal.

iyon nga lang: matutong tumingin, tumimbang, makiramdam kung anu-ano ang mga karapat-dapat hinahabol, pinaglalaanan ng isip at puso.

03 Pebrero

–sana lagi tayong
magkasama..

Ninanamnam mo ba yung
bagong komersyal ng
Mcdo?

Oo, para iyon sa mga unang
babae at lalake sa buhay
ng mga batang
inalagaan, pinrotektahan at
minahal sa abot-abot
ng kanilang makakaya.
Para sa mga magulang
na nagturing sa atin
bilang mga biyaya,
nawa’y maging masaya
at makabuluhan ang
bawat araw na sila’y
kasama. Na sa ilang taon,
tayo na kanilang
mga munting bersyon
maging parang sila rin
lang. Pagmamahal na pinapasa
sa bawat henerasyon.
Hindi kumukupas.
Hindi makasarili.
Nananatiling wagas.

———MakeYourMagulangProud

(may iba akong kinakikiligan kanina
pero wala eh, I love them more..)

Sya sa Akin

**sana masalinan na nya ng himig ‘to..

SYA SA AKIN

I.

isang umagang nagising
yakap ang sarili
hindi lilimutin ang panaginip
ibabangon ang araw..

II.

hahakbang unti-unti
madapa man,
hindi idadaing
tatayo lang uli.

Chorus:

para sa ‘yo
buo ang loob
aking susugurin
itatakbo
sa sikat ng araw
patak ng ulan
ako’y mananatili
mabubuhay
sa alaala mo..

III.

bibigyan ng kulay
ang dinadalang lumbay
lumilipas ang oras
kailangang maglibang
ipadadama ang pagmamahal mo
iaalay ang lahat..

IV.

hindi ko hahayaan
sa puso’y mawala
nandito ka lang
tataglayin kita…

**for my Nanang (mother), 1 year after she joined our Lord