14th Floor

Kahit less than 2 months pa ang halloween. Para ‘to sa mga stalkers na nagtitiyaga..

be patient, makukuha nyo rin ang inaasam na HAPPY MOMENT with the STALKED one.

—–

 

Halloween, pinagcostume kami sa office. May party daw mga 7pm ng gabi sa 15th floor. Tuwang-tuwa ako. Doon kasi ang office ni crush. Dunhill Joseph Salao is the name, yung matangkad, maporma at chinito na manager ng marketing sa kumpanya.

Kilala nya ako, pero hindi niya kilala yung pagsintang dalawang taon ng buhay dito (sabay kapa sa puso). Laging umuungot yun ng libre sa SB, kahit isang patak nalang daw. Hindi ko nga pinagbibigyan. Bakit? Eh hindi na nya ako kukulitin ‘pag nakuha nya yung gusto nya. Ayoko ngang mangyari yun. Hindi rin kaya easy to get ‘to.

Para sa araw na ‘to, napili kong costume yung white lady. Iyon ang suggestion ng mga kaibigan ko. Bagay daw sa mahaba at straight kung buhok. Idagdag mo pa ang tangkad ko at kapayatan. Inukay namin yung suot kong mahabang puting gown. Perfect daw sabi nila.

5:30 pa lang, nagliligpit na ako ng mga gamit. Clean desk dapat, policy sa office. 5:43, ready to go na ako.

“Excited masyado, dadayo lang sa taas eh. Para-paraan..”tumawa si Abby, officemate kong sutil.

“Anong para-paraan? Sila ang may kagagawan. Kasalanan nila ‘to.”Kunyari galit ako pero nakangiti naman sa harap ng computer ko.

“Ayieeeeeeeee, huli kita.” Si Marky, biglang lumitaw sa harapan ng cubicle ko. Nagulat ako. Nahataw ko tuloy sya sa balikat. Hindi pa man party, nanggugulat na.

“Ano ba costume mo?”nagseryoso rin si Marky.

“Eto..mukha na ba akong nakakatakot?” tinutukoy ko ang “as it is” na itsura ko.

“Tange, seryoso nga..”

“White lady. At magtakutan tayo.” Hamon ko. Kala mo ba, ikaw lang. Pilya ako, gusto kong naglalaro. Sa katunayan, nakailang panhik na ako sa 15th floor. Ewan kung anong lebel ng guts ang meron ako, pero nagagawa kong puntahan doon si Seph (Sef). Mga 7pm kasi, nandun pa sya at ginagawa kong laro ang makipagtaguan sa bawat palabas na  empleyado. Hinihintay ko syang buuin ang araw ko. Paminsan-minsan swerte, minsan hindi ko sya nahihintay. Iniisip ko nalang na hindi sya pumasok.

6:58pm, nakabihis na kami. Hindi na ako nagmake-up, maraming face powder lang ang inilagay ko. Pati dun sa expose kong kamay. Mula 4th floor, papasok na kami sa elevator nang  biglang mag-ring ang cellphone ko. Sinenyasan ko silang mauna na.

“Hoy babaeng nakaputi, may ibibigay kami..2 minutes, baba ka dito sa lobby.” Ang kaibigan kong si Mela pala yung nasa kabilang linya. Hindi na nya hinintay ang pag-angal ko. Mamaya na ako mangangastigo pagkababa.

Pagkarating ko ng ground floor, nagulat pa ako ng konti. Paano kasi ay nasa tapat na pala ng elevator ang tatlo kong kaibigan.

“Eto, tanggapin mo, accessory.” May iniabot si Amri na isang manika. Mapusyaw na kayumanggi ang kulay nito. Ginawa pa akong batang babae ng mga ito.

“Aba, gawan  natin ng istorya..babaeng isip bata, nawala at namatay dahil nabangga..” basang-basa rin ng mga ito ang nasa utak ko. Nilapitan nila ako at inayos ang mukha ko. Kaunting eyeliner at fixing lang sa powder ang ginawa.  Nagthumbs up ako sa nakitang repleksyon sa salamin ni Ryza.

“Ok, time to go…Thanks guys. Love ko talaga kayo..sana maiuwi ko ang best costume. Konting pag-asa lang. Dadaanin ko nalang sa pananakot.” Tumawa kaming lahat. Niyakap ko sila at nagpaalam. Mag-isa akong sumakay ng elevator at bago magsara, nagpraktis ako ng pagiging white lady ko. Sumeryoso ako sabay tingin dun sa tatlo. Aliw na aliw sila. Ngingiti-ngiti akong on the way sa 15th floor.

2. 3. 4. 5. 6. 7. 8. 9. 10. 11. 12. 14. Bumukas yung pinto. Wala namang tao. Naghintay lang ako. Pero ang tagal. Sa sobrang inip, pinindot ko yung close button. Ayaw. Inulit ko. Ayaw parin. Inulit-ulit ko. Eh sa makulit ako. Wag lang sanang mareport sa technical, kasalanan ko pa kung masira ang elevator na ‘to. Kahit anong gawin kong pindot sa lahat ng button (na!), ayaw pa rin. Naisipan ko nalang lumabas.

Mga ilang dipa na ako mula sa elevator nang makita ko itong pasara na. Hinabol ko pero hindi ko na naabutan. Ano ba naman, joke ba ‘to?

Tumayo na lang ako sa harapan ng elevator para abangan ang pagbaba nito. Pinindot ko yung UP button. Napatanga ako ng makita ko yung number sign. 14. Kinilabutan ako. Napagtanto ko kasing 13th floor pala ito dapat. Hindi naman siguro totoo yung sa mga horror. Mahilig ako sa horror films at hindi naniniwala.

Naka-15 minutes na ako sa tapat ng elevator ng may marinig akong mga yabag. Hindi ako naniniwala sa horror. Pinagpilitan ko yun sa utak ko. Eh bakit nanginginig ka? Iyong isang bahagi ng utak ko, nakikialam. Sa paglapit ng mga yabag, tumaas ang mga balahibo ko, hanggang batok pa nga.

Hindi ko na hinintay na makalapit sa kinatatayuan ko yung may-ari ng mga yabag, nagtago ako sa likod ng ornamental plant na katabi ng elevator. Aba, kung multo ka, di mo ako makikita. Pampakalma ko sa sarili ko yung birong yun.

Mula sa kinakukublian ko, nakita ko kung sino yung papalapit. Lalake. Naka-white long sleeves, black pants, black cape at oo, duguan ang magkabilang dulo ng bibig. Sigurado akong may pangil sya. Si Dracula. Habang papalapit sya, nagwish ako na hindi na sana ako umalis kanina sa tapat nitong elevator. Doon sa kita nya. Yung lalakeng papalapit ay si Seph.

Si Seph. Aba’y kahit sipsipin na nya lahat ng dugo ko ngayon. Ang kulit lang? umayos ka. Pinagagalitan ako ng  utak kong matino.

Akala ko, hihinto sya sa tapat ng elevator. Lumagpas lang sya. Itsura nito ang may tila hinahanap dahil iginagala nito ang paningin nya sa dinadaanan. Nang mawala sya sa paningin ko, naisipan ko ng lumabas.

Naghintay ulit ako sa tapat ng elevator. Hindi pa man ako nakaka-limang minuto roon, may papalapit na namang yabag. Galing yun sa direksyong tinungo ni Seph. Magtatago pa ba ako? Isang kalokohan ang pumasok sa utak ko.

Tumuwid ako ng tayo, at humarap sa elevator. Kakaririn ko ‘to. Naramdaman kong bahagyang napaatras yung naglalakad. Malamang pagkakita sa akin. Tumuloy din  sya. Tumayo sya isang metro mula sa akin. Pagbukas nung elevator, dahan-dahan akong pumasok. In character parin. Nauna sya sa akin sa loob. Sya na ang pumindot sa buttons. Nagsara ang pinto.

OMG! Kinikilig ako. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Hindi ito horror. Rom-Com. Dalawa lang kami sa loob, kami lang. Walang mga singit. Solong-solo ko sya. Halleluia!

Yun nga lang, hindi ko sya madaldal ngayon. Kung di ba naman sa naisip kong panggu-good time.

Umandar ang elevator. Hindi ito pataas, pababa. Naman, late na talaga. Narinig kong napamura si Seph. Dumirediretso ang elevator. Napindot pala nito ang ground floor.

9.8.7.6.

“Maria Concepcion, tama na ‘yan. Bumenta ka naman.” Bigla syang nagsalita. Hinding-hindi ko naririnig ang pangalan kong yun dito sa office. MaCo lang. Kaya sa pagbanggit nya nun, napatingin ako sa kanya. Nakangiti sya.

Shet! Kung makangiti, parang nalagyan ng honey yung mga labi nya. Mas lumakas ang kabog ng dibdib ko. “Oh, akala mo hindi kita nakilala ha.” Tumawa sya. Yung tawa nya, musika sa pandinig.

“Wala, natakot kita eh, aminin mo..”bumawi ako sa muntikan nang pagkatulala. Never akong naumid pagdating sa kanya. Sa bawat hirit nya, may sagot akong pamatay at pambara.

 “Sabi ko nga, bumenta ka..pa-SB naman dyan, bilang nagulat mo ako..”

“Tse, ganito ang suot ko, tingin mo..pupunta akong SB ngayon? At wala silang panukat ng patak-patak lang..” Matatag ang paninindigan kong ‘wag pumayag sa  libre na ‘yan.

Ground floor.

“8:36 na pala, mga 9:30 tapos na yung program dun. ‘Wag na tayong bumalik?” Sabi nya na saglit tiningnan ang relo. “Kayang-kaya na ng team ko yun.”

Tiningnan ko sya. Nag-aalangan. Aakyat pa kaya ako? Paano kung ma-stuck ulit ako sa 14th floor? Ano na kaya ang mangyayari sa akin? Sasama ba ako dito? Hala. Can’t decide.

Bumukas ‘yung pinto.

“Sige na, treat ko..since you got me tricked.” Todo ngiti na sya nung tiningnan ko sya ulit. Bibigay na ba? Lumabas na sya ng elevator. Naiwan ako. Hinintay parin naman nya ako.

13th floor.

“Sige..” nasabi ko nalang. Ayoko ng umakyat. Sasama nalang ako sa Rom-Com. Ayoko na sa horror films. I swear. Well, si Dracula at White Lady umorder ng Mocha Frappe sa SB. There goes the night.

—————————————–

NOW YOU DON’T,

NOW YOU SEE ME

– Now You See Me (a movie)

***bakit nandun si Seph? Ano yung hinahanap nya? bakit ganun yung elevator? Tanungin nyo ako..may BEHIND THE SCENES kaya ‘yan.hehe

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s