Sa Kabilang Banda

Feb 14. Valentine’s Day. Maagang nagising si Angela. 5:30 palang ay bumangon na sya at nag-exercise. Habang nag-iinat, hindi nya maiwasang isipin ang mangyayari mamaya. Sinabihan sya ni Paul na magbihis daw ng maayos at may pupuntahan daw sila pagkagaling sa opisina. Si Paul ang katrabaho nya na kalauna’y naging malapit sa kanya. Sa loob ng isang taon, madalas silang magkasama – pakape-kape, panonood ng basketball, at bowling. Lagi nitong sinasabi na cool syang kasama. Nandun sya sa mga panahong kailangan nitong magde-stress, magrelax o kaya naman ay makinig lang. Batuhan ng koro-koro, mga kagaguhan sa buhay, problema sa bahay at kung anu-ano pa, may mapag-usapan lang. Sa loob ng panahong iyon, nakabuo sya ng espesyal na damdamin para rito. Hindi nya lang alam kung parehas sila pero ang pakiramdam nya, sa tuwing nakatitig siya sa mga kulay kayumangging mata nito, may nagtatago roon. Hindi lang nya matukoy.

6:30am. Nakakain na sya at nakaligo. Binuksan nya ang closet at tiningnan ang ilang araw na nyang pinagpipiliang mga blouse at bestida. Ngayon lang nya ito gagawin. Kaiba sa mga nakasanayan nyang suotin sa pagpasok. Panay slacks, jeans, blouse at long sleeves ang madalas nyang gayak sa office. Hindi sya nagsusuot ng skirt o dress. Hindi sya komportable. Dahil doon, kailangan nyang suklian nalang ng ngiti ang mga panunukso sa kanya ng kahit minsan man lang daw ay makita nilang babae sya. Oo, tingin nila one of the boys sya. Halos silang lahat maliban kay Paul.

Pinili nya ang faded jeans inspired blue dress na may palamuting mga bulaklak sa laylayan nito. Simple pero nakakaagaw ng pansin ang disenyo nito. Kinuha nya rin ang isang soft blue wedge sandal na matagal nang nakatengga sa ilalim ng kanyang kama. Naisusuot nya lang kasi iyon kapag may okasyon. Sinipat nya ang sarili sa salamin. Kinuha nya ang pressed powder, blush on at lipstick na kakabili lang nya kagabi .Naglagay sya ng mga ito sa mukha at labi. Iyong simple lang din. Hindi sya palaayos kaya araw-araw pulbo lang ang inilalagay nya sa mukha at lip shiner lang sa labi pero dahil iba ang araw na ‘to, naghanda sya. Magpapaganda sya, mag-iiba. Hindi man sa paningin ng karamihan kundi para kay Paul.

Imbes na ang backpack nyang adidas na pula ang dala, kinuha nya rin ang isang light brown tote bag. Isa-isa nyang isiniksik doon ang mga gamit nya. Tiningnan nyang muli ang repleksyon sa salamin at ngumiti. Kontento na sya. Binuksan nya ulit ang closet at kinuha rin ang isang cardigan. Malamig pa kasi ang panahon lalo na ‘pag gabi. Isinukbit nya ang bag sa kanyang balikat at hawak-hawak ang cardigan na lumabas sya ng silid. Nagulat ang mama nya sa itsura nya. Hindi raw ito sanay pero maganda raw, maganda raw sya. Biniro naman nya ito, oo nga’t mama nya ito talaga. Niyakap, hinagkan at binati nya ito ng Happy Valentine’s Day. Hinabol pa sya nito ng mga salitang, “anak, kung sino man sya, Masaya ako para sa ‘yo..” at nakangiti itong kumaway sa kanya.

Sumakay sya ng taxi. Ayaw nyang magjeep ngayong araw. Sayang naman ang get-up nya kung sisirain lang yun ng usok ng kalye at ibang amoy na masasagap sa bawat dadaanan nila. Malapit na sya sa gusali nila nang paunti-unti na ang usad ng sinasakyan nya. Kung kailan naman malapit na tsaka nagkaganito, himutok nya. Mga kinse minuto na grace period na lang. Pinili nyang bumaba at lakarin na lang. Pagdating nya sa isang kanto, isang lalake ang nakaagaw ng atensyon nya. Naka-pink long sleeve ito, bagay sa maputi nitong balat. Napangiti sya at nagsimulang kabugin sa dibdib. Si Paul. Naglakad ito patungo sa direksyon nya, tatawagin upang pumasok na. Isang metro na lang ang layo nya ng mapansin nyang may taong kaharap ito. Hindi lang iyon, kahalikan. Na-estatwa sya.

Sa pagkaramdam na may taong malapit, napalingon si Paul habang hawak-hawak pa ang mukha ng isang babae. Nakita sya nito. Siya naman ay tulala. Nagulat na lang sya ng  magsalita si Paul. Tinanong nito kung bakit sya nandun? Nginitian lang nya ito sabay talikod at naglakad ng mabilis. Mabilis palayo sa direksyon ng gusali nila. Narinig nyang tinatawag sya ni Paul pero hindi naman sya nito hinabol. Gustong pumatak ng mga luha nya pero hindi nya pinayagan iyon. Sumakay sya ng taxi. Nagsabi sya sa driver na dalhin sya sa baywalk. Mamaya na sya uuwi  ‘pag nakapasok na ang mama nya sa trabaho. 9am ang pasok nito sa opisina limang kanto mula sa kanila. Ayaw pa nyang magkulong sa bahay at magpakain sa emosyong bumabalot sa kanya ngayon – kalungkutan at inis. Kalungkutan dahil mukhang hindi na sila pwede ni Paul at inis dahil umasa sya, pinaasa sya.

Pagkatapat ng taxi sa baywalk, bumaba sya at nagbayad. Umupo sya sa isang bench na nalililiman ng puno ng niyog. Naisipan nyang kunin ang telepono sa bag dahil kanina pa ito nag-vivibrate. Maraming missed calls ni Paul ang tumambad sa kanya. Marami ring text messages.

Paul: Pre, anong meron? Tinawag kita ah.

Paul: Sayang, ipapakilala pa naman kita kay Tricia, sinagot na nya ako.

Paul: Nasaan ka ba? Sisipot ka ba mamaya?

Paul: Ipapakilala ko sana yung pinsan ni babe, si Marge. You will like her.

Paul: Saglit, ikaw ba talaga yun? Ba’t ganun ang suot mo?

Paul: hoy, ba’t di ka pumasok? Nu nangyari sa ‘yo?

Marami pang text pero di na nya itinuloy basahin. Ano ba naman? Nagkamali pala sya ng akala. Unti-unti syang nahulog rito pero ito pala, walang pinagkaiba sa kanila – lalake ang tingin sa kanya. At may ipakikilala pa raw itong babae. Ang saklap. Namili na sya pero bakit ganun? Pinababalik sya. Muntik na nyang ipahiya ang sarili. Kay Paul. At oo, hindi sya sasaya sa ganung isipin. Desperada. Wala sa bokabolaryo nya yun. Inipon nya ang mga gamit at tumayo na. Nakapagpasya na sya, sa kung ano ang dapat nyang gawin.

Feb 15. 7:45AM. Nakabihis na sya at papasok sa trabaho. Sabado iyon kaya pinapayagan silang suotin ang rugged attire. White Shirt, Blue Jeans, black sports watch, sneakers at bag na pulang Adidas. Maliban roon, nagpagupit sya kahapon ng maiksi. Iyong tipong hanggang pwede lang maitali. Pinakamaiksi na iyon sa mga gupit nya. Nagulat ang mama nya sa ganoong itsura nya. May inaasahan yata itong iba. Nagpaalam sya at sinabing sa opisina na mag-uumagahan. Sinabihan sya nito na mag-uusap sila pag-uwi nya. Tumango lang sya.

Pagkarating nya sa opisina, nakita nya agad si Paul. Nakipag-apiran ito sa kanya. Tinanong nya ito kung sya yun, hindi sya umamin. Tinanong nya kung ano ang sinasabi nito? Ikwinento ni Paul sa kanya yung kamukha nya raw. Kamukha nga siguro, aniya. Ang sabi pa niya rito nagkasakit sya at sayang na di sya nakasama noong gabi.

Mukha namang naniwala si Paul, sa isip nya. Isang araw na kahibangan at ‘eto babagsak din pala sya sa ganito. Hindi nya masasabi kung magiging ganun pa sya pero isa lang, masaya sya sa ganito. Mas malakas at hindi masasaktan ng mga lalake. Isang harang na minsa’y natibag pero ngayon, itinatayo na nya uli.***

1401635291402

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s